ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | August 4, 2020
Dear Doc. Shane,
Mayroon akong nakakapang maliit na butlig sa pisngi ng aking ari. Makati ito at sa katagal ay tila mas dumarami na mukhang cauliflower. May nabasa ako dati sa inyong column na ito ay sintomas ng genital wart. Ano ba ang dapat kong gawin o ipahid upang hindi ito lumala o tuluyan nang mawala? – Marie
Sagot
Ang pagkakaroon ng mga kulugo sa ari (genital wart) ay isang uri ng sakit na nakukuha sa pakikipagtalik. Lumilitaw ang mga ito sa ari at maging sa puwit ng taong nahawahan, anim hanggang 12 buwan pagkalipas na mahawa.
Ito ay dulot ng impeksiyon mula sa condylomata acuminate o human papilloma virus (HPV).
Kabilang sa mga sintomas ng sakit na ito ang pangangati ng mga kulugong natatagpuan sa loob at labas ng ari ng lalaki at babae. Nagsisimula lamang ang mga kulugo bilang maliliit na butlig na lumalaking tila “cauliflower” sa katagalan.
Naililipat sa ibang tao ang mga kulugo sa ari sa pamamagitan ng pakikipagtalik, partikular kung mayroon nang kulugo ang taong kasiping.
Paano ito ginagamot?
Sa ganitong uri ng sakit, binibigyang lunas lamang ang kulugo. Hindi nagagamot ang virus sapagkat kahit ipagamot ito ay nagpapatuloy pa rin ang pagiging nakakahawa nito.
Nangyayari ang pagkahawa at pagsalin kahit walang napapansing mga palatandaan.
Samantala, isinasagawa ang pagsusuring Papanicolau (pap smear o pap test) para sa kababaihan.
Mainam na magpakonsulta sa OB- Gyne para makita ang kulugo sa ari at kung sakaling gamutin ‘yan kailangan din magamot ang iyong partner.