ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | August 16, 2020
Dear Doc. Shane
Kapag ba nakaranas ng pagtatae at may kasamang pagsusuka, ibig sabihin ito ay may “gastroenteritis” na? Ano ba ang sintomas at sanhi nito? – Luis
Sagot
Ang gastroenteritis ay ang pamamaga ng tiyan at mga bituka. Ito ay tumutukoy din sa stomach flu. Kapag nakararanas ng diarrhea o pagtatae at nasusuka, puwedeng masabi na may stomach flu ang pasyente. Maaaring gumaling sa sakit na ito nang walang anumang komplikasyon, maliban na lamang kung ang pasyente ay dehydrated na.
Samantala, ang pinakasanhi nito ay virus — ang pangunahing virus ay rotavirus at norovirus. Food-borne disease rin ito, ibig sabihin ay nakukuha ang sakit sa mga pagkain at inumin.
Ang virus ay maaaring makuha ng pasyente sa pamamagitan ng mga sumusunod:
Kontaminadong tubig at pagkain.
Hindi nalinisang mga kamay matapos gumamit ng palikuran.
Pagkakaroon ng contact sa taong may virus.
Sintomas ng gastroenteritis:
Pagtatae
Pagsusuka
Pagkahilo
Dehydration
Pananakit ng ulo
Pananakit ng kalamnan
Pananakit ng tiyan
Sobrang pagkauhaw
Hindi madalas na pag-ihi
Matingkad na kulay ng ihi
Pagkatuyo ng balat at mga labi
Mataas na lagnat
Pangangalumata
Tandaan: Iwasang mag-self-medicate o magdesisyon nang basta sa ipaiinom na gamot para sa sakit. Kumunsulta sa doktor (gastroenterologist) upang matiyak ang mga bagay na kailangan gawin sa pasyente.