ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | January 18, 2023
Dear Doc Erwin,
Narinig ko sa talakayan sa radio na may mga alternatibong pamamaraan upang mapababa ang altapresyon o high blood pressure bukod sa pag-inom ng mga prescription medicine, na nabibili sa botika. Halimbawa, ayon sa talakayang ito ay ang mga pamamaraan ng Naturopathic Medicine. Ano ba ang Naturopathic Medicine? Anu-anong pamamaraan ang ginagamit nito upang bumaba ang blood pressure at epektibo ba ang mga pamamaraang ito? Sana ay matugunan ang aking mga katanungan. - Maria Leilani
Sagot
Maraming salamat Maria Leilani sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc.
Ayon sa aklat ng Consumer Health and Integrative Medicine, Second Edition, na inilathala noong 2020, ang Naturopathic Medicine ay sistema ng pangangalaga ng kalusugan ng katawan, base sa paniniwala sa kakayahan ng katawan na pagalingin ang sarili.
Ayon sa founder ng Naturopathy sa Amerika na si Dr. Benedict Lust, ang sistema ng Naturopathy ay ang paggamit ng kalikasan (nature), tulad ng pag-inom ng malinis na tubig, paghinga ng sariwang hangin at pagbibilad ng sarili sa sikat ng araw upang gumaling sa sakit. Naniniwala rin ang mga naturopathic doctors na kailangan ang exercise, sapat na pahinga at tamang pagkain upang makaiwas at gumaling sa sakit.
Ayon sa naturopathy, ang sakit ay parte ng kalikasan, tulad ng sakit ng hayop at halaman. Ang paglabag sa batas ng kalikasan, tulad ng pag-abuso sa kalusugan ay nauuwi sa sakit.
Sa iyong katanungan, kung ano’ng pamamaran ang ginagamit ng mga naturopathic practitioners upang gamutin ang high blood pressure, ayon sa Association of Accredited Naturopathic Medical Colleges matapos malaman ang dahilan ng mataas na blood pressure ay maaaring gamutin sa pamamagitan ng diet, lifestyle modification, stress management at herbal supplements. Maaari ring gumamit ng antihypertensive medications.
Ang stress ay dahilan ng pagtaas ng blood pressure. Ang mga epektibong non-pharmacological intervention na ginagamit sa Naturopathy ay ang acupuncture, meditation at biofeedback. Ayon sa mga pag-aaral, epektibo rin ang exercise laban sa high blood pressure at ang epekto na pagbaba ng blood pressure matapos ang exercise session ay makikita hanggang 24-oras matapos ang exercise. Ang palaging pagkilos at pagiging aktibo natin ay pamamaraan upang mapababa ang blood pressure reading mula 4 hanggang 9 puntos.
May mga ginagamit din na herbal medicines ang mga Naturopathic doctors upang mapanatiling mababa ang blood pressure katulad ng herb na Hawthorn. Isang mekanismo ng antihypertensive effect ng Hawthorn ay ang vasodilation o ang pag-relax at pagbuka ng ating mga ugat upang malayang dumaloy ang dugo at bumababa ang presyon. Ang garlic o bawang, ayon sa mga pananaliksik ng mga scientists ay nagpapababa ng systolic at diastolic blood pressure dahil nireregulate nito ang nitric oxide, binabawasan ang inflammation at umaaktong ACE inhibitor sa ating katawan.
Sa susunod na bahagi ng ating talakayan ay pag-uusapan natin ang iba pang supplements na ginagamit sa larangan ng Naturopathy na nagpapanatili ng mababang blood pressure.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com