ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | August 28, 2020
Dear Doc. Shane,
Nagkaroon ng ovarian cancerang aking anak na babae. Sa ngayon, kasalukuyan siya nagpapa-chemo. Ano ba ang sanhi nito? Sa totoo lang, wala siyang sintomas na naramdaman noon maliban sa paglaki ng kanyang tiyan na akala niya ay normal lang. – Nancy
Sagot
Ang kanser sa obaryo o ovarian cancer ay tumutukoy sa pagkakaroon ng mga bukol o tumor sa isa o parehong obaryo ng mga babae. Ang obaryo ay ang bahagi ng reproductive system ng babae na gumagawa ng mga itlog.
Bukod sa mga obaryo, maaari ring kumalat ang mga cancer cell sa mga kalapit-bahagi nito, tulad ng mga fallopian tube at uterus (matris o bahay-bata). Kung maaapektuhan ang mga bahaging ito, maaaring maapektuhan ang kakayanan ng babae na magkaroon ng anak.
Sa mga unang yugto nito, wala gaanong nararanasang sintomas ang pasyente.
Subalit sa pagdami ng mga cancer cell, maaari siyang makaranas ng mga sumusunod:
Paglaki o pamamaga ng tiyan
Pananakit ng mga balakang
Palagiang pag-ihi
Pagtitibi
Mabilis na pagkabusog
Pagbaba ng timbang
Ang mga sintomas na ito ay karaniwang naipagsasawalang-bahala lamang ng ilang pasyente sapagkat ang mga ito ay halos natutulad sa mga sintomas ng ibang sakit.
Samantala, hindi pa lubusang nalalaman ng mga doktor kung bakit nagkakaroon ng ovarian cancer, subalit maaaring magkaroon nito kung may kasaysayan ng kanser sa pamilya. Gayundin, ang pagkakaroon ng hindi malusog na pamumuhay. Kung ang babae naman ay labis-labis kung kumain o naninigarilyo, mas mataas din ang posibilidad na magkaroon ng kondisyong ito.
Samantala, napag-alaman na ito ang pinakalaganap na uri ng kanser na nakaaapekto sa kababaihang sumapit na sa menopause. Karaniwang nada-diagnose na may kanser sa obaryo ang matatandang kababaihan pagsapit nila ng edad 60 at 64.
Bagama’t nakababahala, marami na ang mga natuklasang paraan kung paano ito malulunasan. Kasama na dito ang ang operasyon, chemotherapy, targeted therapy, at iba pa.
Komplikasyon:
Pagkakaroon ng baradong mga bituka
Pagsusugat ng mga bituka
Pagkakaroon ng baradong daluyan ng ihi
Pamumuo ng tubig sa mga baga
Pag-iwas:
Uminom ng mga oral birth control pill. Ang paggamit nito ay nakatutulong upang mapangasiwaan ang dami ng hormone sa katawan at bumaba ang posibilidad na magkaroon ng kanser sa obaryo.
Maaari ring sumailalim sa operasyon tulad ng tubal ligation (pagtali sa mga fallopian tube) o hysterectomy (pagtistis sa matris). Nakatutulong ang mga ito upang bumaba ang posibilidad na magkaroon ng kanser sa obaryo. Subalit, maaari lamang isagawa ang mga operasyong ito kapag kailangan na talaga ng pasyente.