ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | September 20, 2020
Dear Doc. Shane,
Ako ay ginang na edad 47 at may dalawang anak. Kailan lamang ay nakaranas ako ng pagkahilo at medyo matagal bago ito humupa. Hindi ko alam kung dahil ba ito sa aking mga mata, subalit wala naman akong salamin o baka sa presyon ng dugo ko? Ano ba ang mga posibleng sanhi ng pagkahilo? – Adelfa
Sagot
Maraming dahilan ang pagkahilo, ngunit kadalasa’y hindi naman ito delikado. Ang mga pangkaraniwang sanhi ng pagkahilo ay ang mga sumusunod:
Problema sa mga mata. Kung malabo na ang iyong mata, puwedeng mahilo sa pagbabasa. Kung madalas mag-computer, nakahihilo rin. Dapat ipahinga ang mga mata at tumingin sa malayo para ma-relax ito. Magpagawa ng salamin o baguhin na ang grado ng salamin.
Problema sa mga tainga. Isa pang pangkaraniwang dahilan ng pagkahilo ay ang sakit sa mga tainga. Nasa tainga ang vestibular system kung saan nagmumula ang pakiramdam sa balanse at paggalaw. Kung may dumi o impeksiyon, puwede ito magdulot ng matinding pagkahilo (vertigo).
Presyon ng dugo. Kung may high blood, puwedeng mahilo at manakit ang iyong batok. Kung low blood naman, anemic at maputla, puwede rin mahilo. Dapat ang blood pressure natin ay nasa pagitan ng 140/90 ang pinakamataas at 90/60 ang pinakamababa.
Nerbiyos. Ang mga nerbiyosong tao ay madalas din mahilo. Kapag kinakabahan, natatakot o nakasaksi ng nakahihindik na bagay, puwede silang mahilo. Ang tawag dito ay panic attack.
Kulang sa oxygen. Minsan, may nahihilo o nahihimatay sa mataong lugar tulad ng simbahan o rally. Dala ito ng matinding init at dami ng tao. Kailangan lang magpahinga, magpahangin at mawawala rin ang hilo.
Samantala, mayroon ding mga pinanggagalingan ang hilo na mas seryoso. Ito ay ang stroke at tumor sa utak. Ang stroke ay may matinding pagkahilo at may kasamang panghihina ng isang parte ng katawan. Ang tumor naman sa utak ay may kasamang matinding sakit ng ulo.
Kung may problema sa pagkahilo, mahalagang magpa-checkup sa doktor para rito.