ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | September 23, 2020
Dear Doc. Shane,
Pitong taon na kaming kasal ng aking asawa pero hanggang ngayon ay wala pa rin kaming anak. Ang sabi ng OB ko ay meron daw akong PCOS kaya hindi ako nabubuntis. Maaari ba ninyong talakayin ang tungkol dito? – Mildred
Sagot
Ang Polycystic Ovary Syndrome (PCOS) ang pinakamadalas na hormonal disorder sa mga babaeng nireregla o hindi pa menopause.
Ang mga babaeng may PCOS ay maaring makaramdam ng ilan sa mga sumusunod:
Hindi regular o paghinto ng regla
Hindi mabuntis o magkaanak
Pagtaba (karaniwang lumalapad ang waist line o ang tinatawag na abdominal obesity kung saan mas maraming taba sa baywang)
Taghiyawat (acne)
Sobrang buhok sa mukha o katawan (karaniwan sa mga parte na kadalasang walang buhok ang babae, tulad sa ibabaw ng labi parang bigote o sa dibdib)
Pagnipis ng buhok (tulad ng pagkalbo sa mga lalaki)
Tinawag ang kondisyong ito bilang polycystic dahil karaniwang may cysts ang obaryo ng mga babaeng may PCOS—hindi kanser ang mga cysts na ito.
Marami sa kababaihang may PCOS ay inire-refer sa endocrinologist dahil may mga kaakibat itong iba pang problemang pangkalusugan tulad ng:
Insulin resistance. Nahihirapang matunaw ang asukal sa dugo kapag may insulin resistance at ito ay maaring tumuloy sa Type 2 diabetes.
Mababang level ng HDL o good cholesterol at mataas na level ng LDL o bad cholesterol. Mataas din ang triglycerides, dahil dito ay tumataas ang peligro ng mga babaeng may PCOS na magkaroon ng atake sa puso o stroke.
Obstructive sleep apnea (OSA). Ang mga may PCOS at overweight ay maaring magkaroon ng OSA kung saan patigil-tigil ang paghinga habang natutulog. ‘Pag gising ay parang pagod na pagod dahil hindi maganda ang kalidad ng pagtulog dahil bumababa ang oxygen sa dugo habang natutulog at naiipon naman ang carbon dioxide.
Dahil irregular ang regla, puwedeng kumapal ang lining ng matres. Huwag itong pabayaan para hindi mauwi sa endometrial cancer o kanser sa lining sa matres.
Tulad ng diabetes, wala pang gamot para gumaling o mawala ang PCOS pero may mga gamot na puwedeng ibigay ang doktor para umayos ang regla at mabuntis. Kailangan din ng tamang pagkain at ehersisyo para pumayat at maiwasan ang diabetes at maging normal ang level ng kolesterol.