ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | September 27, 2020
Dear Doc. Shane,
Napansin ko na parang nagkakaroon ng something sa balat ang anak kong 9 years old. Ang sabi ng kasambahay namin ay galis daw ito, pero hindi ko alam kung saan niya ito nakuha gayung ilang buwan na kaming hindi lumalabas. Worried ako dahil meron siyang 5 years old na kapatid at baka mahawa niya ito. Meron bang ointment o anumang puwedeng ilagay para mawala ito, hindi pa kasi kami makalabas? – Eloisa
Sagot
Ang galis sa balat o scabies ay sakit na dulot ng impestasyon ng maliliit na kuto sa balat. Ito ay nagdudulot ng matinding pangangati sa balat at pagsusugat dahil sa sobrang pagkamot. Mabilis itong makahawa kung madidikit ang apektadong balat sa ibang balat (skin to skin contact) ngunit madali rin namang magamot kung mapapatay ang mga kutong naninirahan sa balat.
Samantala, ang anumang gawain na mangangailangan ng pagdikit ng mga balat tulad ng pakikipagtalik o pagyayakapan ang mga pangunahing paraan na nakapagpapataas ng panganib ng pagkahahawa sa sakit. Ang mga maliliit na kuto ay hindi nakatatalon o lumilipad, bagkus ay nakalilipat lang sa balat ng iba kung magdidikit ang mga balat.
Lunas sa galis:
Permethrin. Maaaring gamitin ang permethrin sa balat mula leeg pababa sa katawan. Ito ay ipinapahid lamang sa mga apektadong lugar at iniiwan sa balat nang buong magdamag bago hugasan at kadalasan isinasagawa sa loob ng isang linggo.
Lindane. Ito ay parang lotion na ipinapahid sa apektadong balat. Tandaan, maaaring madulot ng panginginig ng mga kalamnan (seizure) at ipinagbabawal sa buntis o sa nagpapasuso.
Ivermectin. Ito ay iniinom na gamot para sa ilang kondisyon ng pagkakaroon ng parasitiko sa katawan kabilang na ang pagkakaroon ng galis.
Crotamiton. Ito ay ipinapahid sa apektadong balat para sa mga matatanda. Hindi ito rekomendado sa balat ng mga bata.
Sulfur. Ito ay inihahalo sa cream na mabisa at ligtas na paraan para maalis ang pananalasa ng mga kuto sa balat.
Diphenhydramine. Maaari ring gumamit diphenhydramine upang maibsan ang pangangati na nararanasan.