ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | October 15, 2020
Dear Doc. Shane,
Ilang araw nang sumasakit ang aking tainga at nilalagnat na rin ako dahil dito. Hindi naman ako makapagpa-checkup dahil natatakot akong pumunta sa health center. Ano kaya ang dahilan nito at ano ang dapat kong gawin? – Fred
Sagot
Ang impeksiyon sa tainga ay karamdaman na maaaring makaapekto sa lahat ng tao. Bagama’t ito ay kadalasang hindi malubhang sakit, maaari pa rin ito magdulot ng mga komplikasyon kung hindi ito mabibigyan ng agarang lunas.
Narito ang iba’t ibang karamdaman na may kaugnayan sa tainga:
Otitis externa o swimmer’s ear. Ang madalas na mga sanhi nito ay ang pagligo o paglangoy sa maruming tubig, anumang pisikal na pinsala sa tainga at ang masyadong madalas na paglinis ng tainga. Maaaring manggaling sa fungi o bakterya ang impeksiyong ito.
Otitis media. Ito ay nakaaapekto sa gitnang bahagi ng tainga (middle ear) na tinatawag na otitis media. Maaaring viral o bacterial ang sanhi nito. Maraming komplikasyong maaaring makuha mula rito, tulad ng meningitis, labyrinthitis, pagkabingi at pagkaparalisa ng mukha.
Otitis interna. Ito ay kilala sa mga tawag na labyrinthitis o vestibular neuritis. Kapag ito ay hindi nabigyan ng agarang lunas, maaari itong magdulot ng pagkabingi.
Infectious myringitis. Kapag ang eardrum ay namamaga dahil sa impeksiyon, ito ay tinatawag na infectious myringitis. Dahil sa pamamaga, maaaring magkaroon ng maliliit na paltos sa loob ng tainga.
Acute mastoiditis. Ito ang tawag kapag ang mastoid o buto sa likod ng tainga ay nagkaroon ng impeksiyon dulot ng pagkakaroon ng acute otitis media. Kapag hindi ito nagamot agad, maaari itong magdulot ng malalang komplikasyon tulad ng pagkabingi, pagkalason sa dugo, meningitis at pagkaparalisa ng mukha.
Herpes zoster of the ear. Ang komplikasyong ito ay maaaring mangyari kapag ang pasyente ay mayroong bulutong o shingles. Kadalasang naaapektuhan nito ang mga auditory nerve sa tainga. Sa malalang kaso, maaaring kumalat ang impeksiyon sa iba pang ugat sa mukha at magdulot ng pamamaga at pagkaparalisa.
Sanhi:
Bakterya, virus at fungi
Komplikasyon dulot ng sipon at trangkaso
Allergy o alerhiya
Hindi pagpapatuyo nang maayos ng tainga pagkatapos lumangoy o maligo
Madalas na paglinis ng loob ng tainga
Biglaang pagbago ng air pressure
Sintomas:
Pamamaga at pamumula ng tainga
Sobrang pananakit ng tenga
Pagkaroon ng nana at likido sa loob ng tainga
Makating tainga
Mahinang pandinig
Lagnat
Pagkawala ng balanse, pagkalula o pagkakaroon ng vertigo
Pagkakaroon ng masakit at maliit na paltos sa loob ng tenga
Pag-iwas:
Siguraduhing malinis ang tubig bago maligo o lumangoy
Siguraduhing malinis ang mga kamay kapag hahawakan ang mga tainga
Siguraduhing maayos ang pagpapatuyo ng tainga pagkatapos lumangoy o maligo
Mapareseta ng antibiotic na maaaring inumin o ipadaan sa suwero
Gumamit ng eardrop na may steroid o antibiotic
Tandaan na sa paggamit ng antibiotic, kailangang naipakonsulta ito sa doktor. Gayundin, kapag ang mga sintomas ay umabot na sa isang linggo o higit.