ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | November 12, 2020
Dear Doc. Shane,
Mayroon akong ulcer pero hindi na ako nakabalik sa doktor dahil wala na akong pera. Kapag sinusumpong ako nito ay umiinom na lang ako ng pain reliever. Ano ba ang puwede kong gawin para mawala ito? – Ferdie
Sagot
Ang ulcer ay pagkaraniwang tawag sa pagsusugat ng ilang bahagi ng katawan. Ito ay nangyayari kapag ang mucus membrane na nakabalot sa lining ng sikmura ay unti-unting maubos. Ang resulta, ang iyong sikmura o large intestine ay kakainin ng mga asido at enzymes na tumutunaw ng pagkain, kaya nasusugatan ang sikmura na nagdadala ng ulcer.
Ang totoo, ang ulcer sa tiyan ay nagagamot kung ito maaagapan at pagtutuunan ng tamang pansin. Subalit tandaan na ang ulcer sa tiyan ay nakamamatay kung ito ay ipagsasawalambahala.
Ano ang sanhi ng ulcer?
Impeksiyon dulot ng bakterya na Helicobacter pylori (H. pylori)
Pangmatagalang paggamit ng mga painkillers tulad ng ibuprofen, naproxen at aspirin
Sobrang asido sa sikmura o hyperacidity. Ang kondisyong ito ay maaaring namamana dahil sa stress, paninigarilyo at pag-inom ng alak
May ilang salik na maaaring maghantad sa atin sa sakit na ulcer tulad ng:
Paninigarilyo
Sobrang pag-inom ng alak
May kapamilya na nagkasakit nang ulcer
Edad 50 pataas
Sintomas:
Hindi maalis-alis na sakit
Pagbawas ng timbang
Ayaw nang kumain dahil sa sakit
Pagkahilo at pagsusuka
Hangin sa tiyan
Acid reflux
Heartburn
Ang sakit ay lumalala kapag kumakain, umiinom ng tubig o gamot sa acid
Magpakonsulta agad sa doktor kung nararanasan ang alin man sa mga sintomas na ito. Ang mga sintomas ng ulcer ay maaaring hindi gaanong malala subalit ito ay maaaring maging seryoso kung ito ay pababayaan.