ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | December 8, 2020
Dear Doc. Shane,
Madalas iniinda ng anak ko ang kanyang kanang tainga. Sinilip ko ito at may nakita ako na parang something na solid sa loob nito. Nais ko sana siyang ipakonsulta pero natatakot pa akong isama siya sa opistal. Ano kaya ito gayung madalas ko namang linisan ang kanyang tainga? – Marife
Sagot
Ang luga o impeksiyon sa tainga (Otitis media) ay siyang pangunahing sanhi ng pananakit ng tainga. Bagaman ang luga ay siyang karaniwang sanhi ng pagiging iritado ng mga sanggol o mga bata, ito ay puwede ring makaapekto sa mga matatanda.
Ano ang luga?
Ang impeksiyon sa gitnang bahagi ng tainga o ang patlang o espasyo sa likod ng eardrum kung saan ang maliliit na mga buto ay sumasagap sa mga vibration at ihinahatid ito sa loob ng tainga, ay kadalasang kasama ng sipon, trangkaso at iba pang impeksiyon sa respiratory system.
Ito ay dahil ang gitnang bahagi ng tainga o ang middle ear ay konektado sa itaas na bahagi ng respiratory tract sa pamamagitan ng maliit na daanan na kung tawagin ay Eustachian tube. Ang mga mikrobyong nabubuhay sa ilong at sinus ay maaaring umakyat sa tubong ito at makapasok sa middle ear at lalo pang dumami.
Mainam na dalhin sa doktor ang anak n’yo upang makita kung ano ang tiyak na sakit nito. Kung ‘yan ay impeksiyon sa tainga, magrereseta ang doktor ng mabisang gamot na angkop para sa kanyang kalagayan.
Titingnan din kung may bara o luga ang tainga gamit ang isang uri ng otoscope na may kakayahang umihip ng kaunting hangin sa eardrum. Ang hanging ito ay magpapabalik-balik sa loob ng tainga. Kung may luga ang pasyente, ang hangin ay hindi gaanong kikilos.
Kadalasan, virus ang sanhi ng pagkakaroon ng impeksiyon sa tenga o luga. Sa kasong ito, hindi makakatulong ang pagbibigay ng antibiotic sa pasyente. Kung sa tingin ng doktor, base na rin sa history ng pasyente ay bakterya ang sanhi nito, magrereseta siya ng antibiotic.