ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | December 17, 2020
Dear Doc. Shane,
Ako ay 39 yrs. old, may asawa at limang taon na kaming nagsasama pero hanggang ngayon ay hindi pa rin kami nagkakaanak. Single mom ang asawa ko kaya kasama namin sa bahay ngayon ang kanyang anak. Kaya’t iniisip kong ako ang may problema. Ano ba ang kadalasang sanhi ng pagkabaog ng lalaki? – Mark
Sagot
Ang pakabaog ng lalaki o male infertility ay ang kawalan ng kakayahang makabuntis. Ito ay karaniwang dahil sa mga problema sa semilya.
Ano ang mga sanhi nito?
Ang mga sanhing ito ay nahahati sa tatlo: Ang “pre-testicular causes” ay mga problema sa katawan na nakakapekto sa paggawa ng semilya at pagpapagana ng mga sexual organ ng kalalakihan o male reproductive tract. Ang “testicular causes” naman ay mga problema sa mga itlog o testes na siyang gumagawa ng semilya o semen. Panghuli, ang “post-testicular causes” naman ay mga problema sa daluyan ng semilya mula sa mga itlog hanggang sa pagpapalabas o pagpapaputok nito patungo sa puwerta ng babae.
Narito ang ilang pre-testicular causes:
Mababang level ng testosterone (hormone ng pagkalalaki) sa katawan.
Bawal ng gamot, pag-inom ng alak at paninigarilyo.
Pag-inom ng iba’t ibang gamot tulad ng steroids, gamot laban sa kanser (chemotherapy) at iba pa.
Genetic abnormalities o problema sa genes na nagtataglay ng iba’t ibang impormasyon sa pagkakabuo at paglaki ng isang tao.
Testicular Causes:
Edad. Kung napakabata o napakatanda, maaaring hindi pa o hindi na gumagana ang mga testes o mga itlog.
Genetic problem. Ito ay mga problema sa genes na nagtataglay ng iba’t ibang impormasyon sa pagkakabuo ng tao. Halimbawa, ang Y-chromosome ay bahagi ng ating DNA na nagpapalalaki sa tao. Kapag nagkaroon ito ng problema, maaaring maapektuhan ang kakayahang makabuntis.
Chromosomal problem. Ang chromosomes ay pinagsama-samang genes. Ang bawat tao ay may 46 chromosomes, 23 na pares. Kung magkaroon ng problema sa pagkakapares o may mawala o madagdag na iba pang chromosome, maaaring maapektuhan ang abilidad na gumawa ng semilya at makabuntis.
Bukol sa itlog (testes) o sa bayag (scrotum). Ito ay maaaring makaapekto rin sa kakayahan ng testes na gumawa ng semilya o tamod.
Hindi pagbaba ng itlog. Habang ang lalaking sanggol ay nasa sinapupunan pa, ang mga itlog ay nasa mga bituka pa. Ito ay nalalaglag patungo sa bayag kung saan ang temperatura ay mas malamig at napoproteksiyunan ito ng nakapalibot na tubig. Kapag hindi bumaba ang mga itlog (cryptorchidism), apektado ang produksiyon ng semilya.
Hydrocoele. Ito ay kondisyon kung saan konektado ang bituka sa bayag; maaaring pumasok ang mga tubig na nasa bituka patungo sa bayag at ang tubig na ito, kapag naipon, maaaring magbara sa mga daluyan ng semilya at makaaapekto sa produksiyon ng semilya.
Varicocoele. Ito ay kondisyon kung saan malago ang mga ugat ng dugo na nasa loob ng bayag. Ang mga ugat na ito ay maaaring magkaroon ng epekto tulad ng hydrocoele.
Impeksiyon tulad ng beke at malaria ay maaari ring makaapekto sa mga itlog ng lalaki.
Post- testicular causes:
Pagbabara sa anumang bahagi ng daluyan mula sa mga itlog (testes) patungo sa butas ng ari ng lalaki (urethra). Ito ay maaring dahil sa tumor, bukol, impeksiyon atbp.
Retrograde ejaculation. Baliktad ang pagdaloy ng semilya; imbes na patungo sa butas ng ari ng lalaki, ito ay papasok sa pantog.
Hypospadias.Ang butas ng ari ay nasa ibaba imbes na nasa harap kaya hindi ito nakatutok ng diretso sa puwerta ng babae at hindi nakararating ang semilya.
Impotence. Ang kawalan ng kakayanang patigasin o panatilihing matigas ang ari ng lalaki. Dahil hindi tinitigasan, walang paraan para makapagpalabas ng semilya patungo sa puwerta ng babae.
Para malaman kung alin sa mga ito ang sanhi ng pagkabaog, maipapayo na magpatingin sa Urologist o espesyalista sa mga ganitong problema ng kalalakihan.