ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | December 20, 2020
Dear Doc. Shane,
Diabetic ang tatay ko at halos dalawang dekada na mula nang magkaroon siya nito. Bagama’t may maintenance, matakaw pa rin siya sa matatamis at kahit sa softdrinks kaya nagkaproblema na rin siya sa kanyang mga mata. Mayroon daw siyang diabetic retinopathy. Ano ba ang dapat gawin para maagapan ito? – Louie
Sagot
Ang diabetic retinopathy ay komplikasyon ng diabetes sa mga mata. Sinisira ng diabetes ang mga ugat ng retina kaya lumalabo ang paningin hanggang sa mabulag. Minsan, may nakikita ring floaters o mga itim na spot na lumulutang-lutang sa paningin. Mas mataas ang posibilidad na magkaroon ng diabetic retinopathy kung mas matagal nang may diabetes at lalo na kung hindi kontrolado ang asukal sa dugo. Maiiwasan ang retinopathy kung maayos ang blood pressure at cholesterol at kung titigil sa paninigarilyo.
Dalawang klase ng diabetic retinopathy:
Non-proliferative diabetic retinopathy. Ang mga ugat sa retina ay numinipis at nagkakaroon ng microaneurysms (paglobo ng dingding ng ugat). Nagbabara rin ang mga ugat at lumalaki naman ang bahagi ng ugat lagpas sa pagkabara. Minsan, tumatagas ang dugo at protina sa mga ugat ng retina. Lumalabo ang paningin dahil dito.
Proliferative diabetic retinopathy. Ang mas malalang klase ng retinopathy. Sa sobrang pagkabara ng mga ugat sa retina ay nagkakaroon ng mga bagong maliliit na ugat. Puwedeng pumutok ang mga maliliit na ugat na ito at kapag dumugo ito ay nakakikita na ng floaters o maliliit na spots sa paningin. Nagkakaroon ng peklat ang retina dahil sa mga baradong ugat at nahihila nito ang retina kaya umaangat ito sa pagkadikit sa likod ng mga mata. Ito ang tinatawag na retinal detachment at puwedeng mabulag dahil dito. Puwede ring magkaroon ng glaucoma (mataas na presyon sa mga mata) kung ang mga bagong ugat ay humaharang sa pag-ikot ng tubig sa loob ng mga mata kaya delikado ang proliferative diabetic retinopathy.
Depende sa problema sa retina, ang doktor sa mata ay maaaring magrekomenda ng mga sumusunod:
Focal laser treatment o photocoagulation. Sinusunog ng laser ang mga dugo na tumatagas sa mga maninipis na ugat ng retina.
Scatter laser treatment o panretinal photocoagulation. Ang laser ay itinutuon sa buong retina para sunugin ang mga maliliit na bagong ugat upang matanggal ang mga ito. Ilang sessions din ang kailangan para ma-laser ang buong retina.
Vitrectomy. Ang eyeball ay may clear gel sa loob nito na tinatawag na vitreous humor. Dito tumatagas ang dugo kapag may pumutok na ugat sa mga mata. Ang vitrectomy ay operasyon na kailangan ng local o general anesthesia kung saan tinatanggal ang dugo sa vitreous humor.
Mahalagang magpatingin sa doktor sa mata ang may Type 2 diabetes sa unang pagkakataong nalamang may diabetes at kada taon pagkatapos nito. Ang mga may Type 1 diabetes ay dapat namang magpatingin ng retina sa loob ng limang taon pagkatapos mapag-alaman na may diabetes.