ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | January 12, 2021
Dear Doc. Shane,
Ako ay nanganak last August at napansin ko na may lumalabas na discharge sa aking ari .Wala namang sakit ang aking mister. Ano kaya ito, ano ba ang dapat kong gawin o inumin? – Martha
Sagot
Hindi lahat ng vaginal discharge ay nangangahulugan na maysakit ang babae. Halimbawa, kung klaro ang kulay ng lumalabas, ito ay bahagi ng normal na pagbabago sa puwerta ng babae tulad ng pagkakaroon ng mens. Subalit, may mga uri rin ng discharge na kailangan ng medikal na atensiyon lalo na kung may amoy at kasamang pangangati ng puwerta.
Posibleng ito ay STD kung mabaho at kakaiba ang kulay (may pagkaberde o gray), malapot na parang nana at masakit kapag nakikipagtalik. Ang chlamydia, gonorrhea at trichomoniasis ay malamang na nakuha o nahawa sa pamamagitan ng pakikipag-sex.
Subalit ang candidiasis ay may ibang sanhi tulad ng pag-inom ng antibiotics o pagiging buntis, nababago ang pH level at mga kemikal sa puwerta at nagkakaroon ng pagkakataon na tumubo ang mga fungus.
Kaya naman, maipapayong magpa-examine ng iyong vaginal discharge para makasiguro.