ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | January 28, 2021
Dear Doc. Shane,
Malakas manigarilyo ang tatay ko. High school pa lang daw siya noon ay nag-i-smoke na siya. Ngayon ay edad 55 na naninigarilyo pa rin siya kahit inuubo ito at minsan may kasamang plema. Minsan, nahihirapan na rin siyang huminga na parang may asthma at nang masuri sa ospital ay may COPD daw siya kaya ipinatitigil na ang kanyang paninigarilyo ng doktor. Ano ba ang COPD, pareho rin ba ito ng asthma kasi hirap din siyang huminga? – Marissa
Sagot
Dahil parehong baga (lungs) ang naaapektuhan ng COPD at asthma, marami ang nagtatanong kung ano ang COPD at kung magkapareho ba sila ng asthma? Ibig sabihin ng COPD ay chronic obstructive pulmonary disease.
Ang sintomas nito ay kahawig ng asthma ngunit magkakaiba sila. Ang sira ng baga dahil sa COPD tulad ng emphysema at chronic bronchitis ay permanente. Samantala, ang asthma ay pansamantalang pamamaga at pagsisikip ng daanan ng hangin sa baga. Nagagamot at gumagaling ito.
Madalas ang COPD ay sanhi ng matagal na paninigarilyo. Maaari ring dahil ito sa paulit-ulit na impeksiyon sa baga. Ang sintomas nito ay matinding ubo tuwing umaga na may kasamang plema. Ang mayroong COPD ay maaaring lumaki ang dibdib dahil sa dami ng hangin na naiipon sa baga, barrel chest ang tawag dito.
Ang sintomas ng asthma ay biglaang atake ng hirap sa paghinga, paninikip ng dibdib at sumisipol na paghinga lalo na kung gabi. Ang asthma ay maaaring dahil din sa paninigarilyo ngunit, kalimitan ay dahil sa mga allergy. Kung ang hirap ng paghinga ng pasyente ay hindi kumpletong nalulunasan ng inhaled bronchodilator o corticosteroids, malamang COPD ang kanyang sakit.
Kailangang matiyak kung COPD o asthma ang sakit ng pasyente dahil magkaiba ang gamot ng bawat isa. Kung kayo ay may mga sintomas tulad ng nabanggit natin, kumonsulta sa doktor para matiyak kung kayo ay may COPD o asthma.