ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | February 1, 2021
Dear Doc. Shane,
Last month, naospital ako sa sobrang dehydration dahil sa pagsususka at pagtatae nang ilang araw. Ngayon ko lang nalaman na kapag nasobrahan ka pala ng ganu’n ay made-dehydrate talaga at puwede mamatay kapag hindi naagapan. Sa pagtatae at pagsusuka lang ba puwedeng ma-dehydrate ang tao? Ano pang posibleng maging sanhi nito at ano ang mga sintomas? Naramdaman ko lang noon na nanghihina ako at parang hihimatayin anytime. – Emma
Sagot
Ang dehydration ay kondisyon na nararanasan kung may kakulangan sa tubig at katawan. Nagaganap ito kung hindi napapalitan nang husto ang tubig na lumalabas sa katawan o sa madaling salita, mas maraming lumalabas na tubig kaysa sa pumapasok na tubig sa katawan. Maraming paraan ng pagkawala ng tubig sa katawan bawat araw. Maaaring ito ay sa paraan ng pag-ihi, pagpapawis, pagdumi at maging sa paghinga. Ngunit, dahil sa ilang sirkumstansiya tulad ng ilang karamdaman, sobrang pagpapawis at sobrang init ng panahon at hindi naman sapat ang tubig na naiinom, may posibilidad na maubos ang tubig sa katawan at humantong sa dehydration.
Ang patuloy na kawalan ng tubig sa katawan ay maituturing na emergency na nangangailangan ng agarang gamutan. Sapagkat nawawala rin ang mga mineral at electrolytes kasabay ng nauubos na tubig sa katawan na kung magtutuluy-tuloy na maubos ay maaaring makamatay.
Ano ang mga sintomas ng dehydration?
Ang pagkakaranas ng dehydration ay maaaring magpakita ng iba’t ibang sintomas na depende sa lala ng kondisyon na nararanasan. Kung ang kakulangan ng tubig sa katawan ay katamtaman lamang, maaaring maranasan ang mga sumusunod na sintomas:
Nanunuyo at nanlalagkit na bibig
Pananamlay sa kabataan
Madaling pagkapagod at pagiging antukin
Pagkauhaw
Kakaunting pag-ihi
Kakaunti o halos walang luha sa pag-iyak
Tuyong balat
Pagkahilo
Pananakit ng ulo
Hirap sa pagdumi
Para sa mga malalalang kondisyon ng dehydration, maaari namang maranasan ang sumusunod:
Sobrang pagkauhaw
Pagkalito at pagiging iritable
Sobrang panunuyo ng bibig
Kakaunti o halos walang ihi
Nanunuyong mga mata
Sobrang panunuyo ng balat
Mabilis na tibok ng puso
Mabilis na paghinga
Lagnat
Pagdedeliryo o kawalan ng malay-tao
Kailan dapat tumakbo sa ospital?
Ang mga simpleng kaso ng dehydration ay kadalasang nalulunasan sa pag-inom ng sapat na tubig at mga sports drink na mayaman sa electrolytes. Ngunit, ang pagkakaranas ng mga malalang sintomas tulad ng sobrang panunuyo ng bibig, sobrang pagkauhaw, pagkakaroon ng mataas na lagnat, panghihina at hirap sa pag-ihi, makabubuting magpatingin na sa doktor. Tandaan na ang malalang kondisyon ng dehydration ay maituturing na emergency.