ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | February 5, 2021
Dear Doc. Shane,
Ano ang dapat gawin kapag nagtatae ang bata na edad 1 1/2? – O’Lie
Sagot:
Ang tiyan ng mga bata ay maselan pa at madaling madali ng mga bakterya, virus at mga sangkap na nagdudulot ng pagtatae. Ang diarrhea o pagtatae ay normal na bahagi ng paglaki subalit, kailangang alisto ang mga magulang sapagkat may ilang uri ng pagtatae na delikado at kinakailangang madala sa ospital at maipatingin sa doktor.
Ang mga sumusunod ay mga nakaaalarmang palatandaan ng pagtatae na kailangang ipatingin sa doktor:
Kung ito ay lagpas na ng tatlong araw at hindi pa nawawala
Kung ang pagtatae ay may kasamang dugo
Kung may pagsusuka na malala o tuluy-tuloy
Kung hindi nakakakain ang bata
Kung maputla at nanghihina ang bata
Kung may mataas na lagnat o lagnat na higit sa isang araw
Kung hindi nito kaya o walang ganang uminom ng tubig
Kung may iba pang kakaibang sintomas
Kung pagtatae lamang ang nararanasan at mukha namang malakas ang bata, ang pinakamahalagang dapat gawin ay painumin siya ng maraming tubig at iba pang likido upang hindi siya mawalan ng tubig sa katawan o hindi ma-dehydrate. Ang pag-inom ng ‘oral rehydration salts’ tulad ng ‘Oresol’ ay nakatutulong din.
Ang prinsipyo dito ay kung anumang tubig ang nawala sa katawan ay dapat mapalitan ng katumbas na tubig. Walang bawal na pagkain, bagama’t, dapat iwasan ang anumang pagkain na maaaring naging sanhi ng pagtatae; iwasan din ang gatas. Ang mineral at zinc ay nakatutulong din, puwedeng painumin ang bata ng multivitamins syrup na may zinc.
Maging maselan sa pagpunas ng puwit ng bata na nagtatae sapagkat puwede itong masugatan kung patuloy ang pagtatae.
Kung hindi pa rin gumagaling ang bata sa loob ng ilang araw, dalhin na rin ang bata sa doktor upang matingnan.