ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | February 8, 2021
Dear Doc. Shane,
Ako ay 49 years old, nais kong itanong kung pareho lang ba ang rheumatoid at osteoarthritis? May kaugnayan ba ito kung overweight ang tao? – Bea
Sagot
Maraming uri ng rayuma (arthritis) ngunit, ang dalawa sa pinakamadalas maranasan ng tao ay ang tinatawag na osteoarthritis (OA) at rheumatoid arthritis (RA).
Bagama’t pareho itong nasa kategorya ng arthritis at nagdudulot ng masakit na pakiramdam, ito ay nagkaiba dahil ang osteoarthritis ay bunga ng pagnipis at pagkasira ng cartilage.
Ang cartilage ay makikita sa dulo ng magkarugtong na buto para huwag itong magkiskisan. Kadalasang nasisira o numinipis ang cartilage ng joint dulot ng madalas na paggamit at paggalaw ng mga kasu-kasuan sa mahabang panahon.
Ang mga tuhod ay madalas tamaan ng osteoarthritis dahil sa trabaho nitong saluhin ang malaking bigat ng katawan. Samantala, ang rheumatoid arthritis ay problema rin sa kasu-kasuan ngunit, ang dahilan ng sakit na ito ay ang mismong immune system ng katawan ang umaatake sa lining ng kasu-kasuan.
Ang joints o kasu-kasuan ay binubuo ng magkahugpong na mga buto.
Maayos ang paggalaw ng bawat joints dahil sa suporta ng mga nakapalibot dito tulad ng cartilage, ligaments, synovial membrane, tendons, bursa at synovial fluid. Kapag nasira o nawala sa normal na porma ang isa sa mga suportang ito, mararamdaman ang pananakit.
Ang osteoarthritis ang karaniwang uri ng arthritis. Masasabing normal ito sa matatanda ngunit, para maiwasan ang pagkakaroon nito sa batang edad, kailangan ng ibayong pag-iingat.
Narito ang ilan sa mga dapat gawin:
Panatilihin ang tamang timbang. Kung overweight, mainam na magbawas ng timbang habang maaga bago pa sapitin ang mas malalang problema.
Ang labis na katabaan ay nagbibigay ng mas maraming puwersa sa mga kasu-kasuan tulad ng balakang, mga tuhod at paa na nagdadala ng kabuuang bigat ng katawan.
Ang cartilage na nagsisilbing shock absorber ng mga buto ay napupunit o numinipis at nasisira kapag puwersado ang trabaho.
Ugaliing magkaroon ng regular na ehersisyo. Mahalagang malakas ang kalamnan ng mga paa, lalo na ang muscles na nasa harapan ng mga hita. Mapalalakas ito sa pamamagitan ng squat exercise. Maaari ring gawin ang paboritong sports bilang exercise. Alamin ang mga tamang hakbang bago magsimula ng sport o exercise.
Kumain ng mga pagkaing mayaman sa Omega-3, fatty acids, Vitamins C at D. Bagama’t, hindi tuwirang sinasabi na may mga pagkaing makasusugpo sa osteoarthritis, ang tatlong nabanggit na nutrients sa itaas ay nakababawas ng panganib at pumipigil sa paglala ng sakit na ito sa kasu-kasuan.