ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | December 8, 2023
Dear Doc Erwin,
Ang aking ina ay isang retired teacher. Sa kanyang huling konsultasyon sa isang doktor ay nadiskubre ang unti-unting panghihina ng kanyang pandinig at ang kanyang pagiging malilimutin.
Ayon sa doktor ang pagiging malilimutin ng aking ina ay maaaring senyales ng umpisa ng dementia. Maaari rin daw makaapekto ang humihinang pandinig ng aking ina sa kanyang posibleng dementia sa pag-umpisa ng naturang sakit. Dahil dito inirekomenda ng doktor ang paggamit ng hearing aid. Ayon sa kanya, makakatulong ito.
Maaari ba ninyong ipaliwanag ang koneksyon ng panghihina ng pandinig at posibleng epekto nito sa pagkakaroon ng dementia, o sa paglala ng huli. Makatutulong ba sa dementia ang paggamit ng hearing aid? - Jose Miguel
Maraming salamat Jose Miguel sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at pagbabasa ng BULGAR newspaper.
Ayon sa 2020 Report ng the Lancet Commission on Dementia prevention, intervention and care, may 12 risk factors sa dementia. Ang mga ito ay ang kakulangan sa pag-aaral, hypertension, mahina na pandinig (hearing impairment), paninigarilyo, obesity, depresyon, physical inactivity, diabetes, kakulangan sa social contact, sobrang pag-inom ng alak, traumatic brain injury at air pollution. Ang mga nabanggit ay mga kondisyon na maaaring magpataas ng posibilidad na magkaroon ng dementia. Ang magandang balita ay maaaring mapababa ang posibilidad na ma-develop ang dementia sa pamamagitan ng lifestyle change at pag-iwas o pagbawas ng mga nabanggit na mga risk factor.
Kaugnay ng nabanggit na Lancet Commission report, nakita sa isa sa mga pag-aaral na kasama sa tinatawag na Rancho Bernardino Study of Healthy Aging na isinagawa ng University of California, na ang mga indibidwal na may hearing impairment ay mga brain changes. Ang mga pagbabago sa utak ay nakita sa mga area na nagko-control ng pagdinig, pagsasalita at atensyon. Bagama’t hindi apektado ang medial temporal lobe ng brain kung saan matatagpuan ang hippocampus, ang parte ng ating brain na nagko-control ng memory, ang paggamit ng hearing ay makatutulong upang bumagal ang mga pagbabago na nakikita sa mga parte ng brain na may kinalaman sa pagdinig, pagsasalita at atensyon. Dahil sa paggamit ng hearing aid ng mga may hearing impairment maaaring makaiwas ang maagang pagkakaroon ng dementia o ang paglala ng dementia.
Sana ay nasagot namin ang iyong mga katanungan at nadagdagan ang iyong kaalaman tungkol sa epekto ng hearing impairment sa dementia at kung papaano makatutulong ang paggamit ng hearing aid laban sa dementia.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagsubaybay sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com