ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | February 27, 2021
Dear Doc. Shane,
Mula ng mahiwalay ako sa aking asawa ay hirap na akong makatulog sa gabi. Kadalasan ay alas-3:00 na ng umaga ay gising pa ako, kaya sa trabaho ako inaantok. Hindi ako nagte-take ng sleeping pills dahil ayoko namang umasa sa ganun. – Mae
Insomnia ang tawag sa sakit kung saan nakararanas ng hirap sa pagtulog o kaya madaling maalimpungatan sa kalagitnaan ng pagtulog. Ang kakulangan sa tulog na dulot ng insomnia ay maaaring makaapekto sa pang-araw-araw na gawain o kaya ay makaapekto rin sa kalusugan. Ang insomnia ay maaaring panandalian lamang na tumatagal ng ilang araw hanggang ilang linggo o pangmatagalan na umaabot ng isang buwan o higit pa.
Ang mga kaso ng insomnia ay maaaring dulot ng:
Isang karanasang nakapagdulot ng matinding stress
Iba pang karamdaman
Mga kaganapan sa paligid tulad ng malakas na ingay, liwanag, matinding init o lamig
Mga iniinom na gamot
Pagbabago sa nakasanayang oras ng pagtulog
Depresyon o matinding pag-aagam-agam
Sobrang pagkain sa gabi
Pag-inom ng mga inuming may caffeine at alcohol
Sino ang maaaring magka-insomnia?
Walang pinipiling edad o kasarian ang pagkakaroon ng insomnia. Ngunit, ayon sa pag-aaral, mas mataas ng bahagya ang pagkakaroon ng insomnia sa mga kababaihan. Ito ay maaaring konektado sa pagbubuntis o sa pagsapit ng menopausal period sa kababaihan. Mas mataas din ang posibilidad na magkaroon ng insomnia kung:
Ang edad ay 60 pataas
May depresyon, bipolar disorder at nakararanas ng trauma
Ang trabaho ay may pabagu-bagong oras o shifting schedule
Naglakbay ng matagal at nakararanas ng jetlag