ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | March 2, 2021
Dear Doc. Shane,
Ako ay walong buwan nang buntis sa aking first baby. Gusto kong malaman kung ano ang mga palatandaan kapag malapit ng manganak? – Jesh
Sagot
Sa pagitan ng isa hanggang apat na linggo bago manganak, maaaring maranasan ang pagbaba ng lagay ng baby sa balakang at parang nakaungos ang kanyang ulo sa kuwelyo ng matris. Kaya puwedeng iba na ang lakad o parang alimango o gumegewang-gewang dahil dito. Dahil iniipit nito ang pantog na parang binabalisawsaw at ihi nang ihi. Puwede ring lumala ang mga senyales ng pagbubuntis tulad ng pananakit ng likod, pagtitibi (maaari ring pagtatae ang maranasan sa puntong ito) at pagod.
Kung ineksamin ng doktor ang iyong cervix o kuwelyo ng matris, maaari niyang mapuna na bumubuka na ito. Ang paglabas ng ‘mucus plug’ na parang mens o buu-buo sa puwerta ay isa ring senyales na ilang araw na lamang ay manganganak na.
Ilang araw o oras na lamang bago manganak:
Kapag malapit na malapit na talaga ang panganganak, tuluy-tuloy at palakas nang palakas ang regular na paghilab ng tiyan. Kapag pumutok na ang tinatawag na ‘bag of waters’ o tubig na nasa bahay-bata, ibig sabihin ay malapit na malapit na talaga ang panganganak kaya agad nang magpunta sa ospital o lying-in clinic.