ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | March 12, 2021
Dear Doc. Shane,
Paano ba magiging malapot ang semilya? May gamot ba para rito? Gaano ba karami dapat ang semilya kapag nilabasan ang lalaki? – Alex
Sagot
Ang pagiging malapot o malabnaw ng semilya ng lalaki ay nakadepende sa ilang bagay. Halimbawa, kung kulang sa tubig, maaaring maging malapot ang tamod.
Ang pagkakaroon ng impeksiyon sa prostate o prostate gland at pag-inom ng ilang uri ng gamot ay posible ring magpalapot ng semilya. Kung walang problema sa pag-inom ng tubig at napadalas ang pagpapalabas ng tamod, maaari naman itong maging malabnaw. Nagbabago ang lapot o labnaw ng semilya depende sa mga bagay na ito at karaniwan ay hindi ito dapat ikabahala.
Dagdag pa, ang semilya ng lalaki ay sadyang malapot sa unang 5 minuto pagkatapos itong ilabas at nagiging malabnaw na pagkatapos, ito ay normal din.
Ano ang gamot sa malabnaw na semilya?
Ang paglabnaw ng semilya ay kadalasang normal lamang. Ito ay indikasyon na normal ang antas ng tubig (hydration) sa iyong katawan. Isa pa, ang masyadong madalas na pagsasalsal o pakikipag-sex ay puwedeng maging sanhi ng pagiging malabnaw masyado ng semilya. Ito ay dahil hindi nabibigyan ng sapat na oras ang iyong katawan na mabuo ang semilya na may tamang lapot. Tandaan din na normal lang na nag-iiba ang lapot o labnaw ng semilya at kalimitan wala itong masamang kahulugan sa kalusugan.
Gaanong karami ang lumalabas na semilya sa bawat pagpapalabas?
Ang normal na lumalabas na semilya ay mula 2 hanggang 5 ml o kalahati hanggang isang kutsarita, subalit maaari itong magbago. Kapag sobrang dalas ng pagsasalsal o pakikipag-sex, maaari itong maging mas kaunti at kung natagalan naman na hindi nakapagpalabas, puwede itong maging mas marami.
Saan gawa ang sperm o semilya ng lalaki?
Ang semilya ng lalaki ay ginagawa sa iba’t ibang bahagi na natatagpuan sa itlog ng lalaki o nakapalibot sa lagusan ng semilya. Ito ay binubuo ng ‘sperm cells’ na siyang nakikipagbuklod sa ‘egg cell’ ng babae upang maging ‘zygote’ na siya namang magiging baby at ang likido na binubuo naman ng fructose (isang klase ng asukal) at iba’t ibang bitamina at protina.