ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | March 24, 2021
Dear Doc. Shane,
Sa kasalukuyan, ako ay nagtatrabaho bilang secretary sa private firm. Hindi naman ako napupuyat sa work o sa anumang bagay pero napakatagal bago ako makatulog sa gabi kaya madalas ay parang inaantok ako sa work at wala nang sigla magtrabaho. Minsan, kapag nakatulog na ako ay bigla rin akong nagigising at tuluyan nang hindi makakatulog. Gustuhin ko man mag-take ng sleeping pills ay natatakot ako na umasa na lang dito para makatulog dito. Ano ba ang dapat kong gawin? – Nancy
Sagot Ang madalas na dahilan ng hindi makatulog ay stress. Kapag humiga kayong balisa o nababahala, hindi magiging mahimbing ang pagtulog at magigising kayo sa hatinggabi at tiyak na sira ang araw, kinabukasan.
Kailangang baguhin ang routine at adjustment ng ilang attitudes upang makatiyak na mahimbing na pagtulog.
Ang alam ng karamihan ang magising sa hatinggabi ay masama. Kapag nangyari ito, nagpa-panic agad sila. Ang resulta, lalong hindi na makatutulog. Ayon sa pag-aaral, ito ay maling akala. Kahit magising ng 60 hanggang 90 minutes ang tao sa gitna ng kanyang pagtulog, bahagi lamang ito ng normal sleep cycle, basta walang nararamdamang kahit anong sakit.
Sa buong maghapon, stressed tayo dahil sa trabaho, kaya kailangang pabagalin ang kilos at pag-iisip upang ma-relax ang katawan bago matulog. Nakatutulong ang pagligo, pag-inom ng decaf na kape at napatunayan na ang mahaba at malalim na paghinga mula sa tiyan ay nakaka-relax din. Patayin ang ilaw sa kuwarto upang ipahiwatig sa katawan at sa utak na naghahanda na tayong matulog.
Mas malamang na dala ng mga babae sa pagtulog ang kanilang mga problema kaya mas hirap silang matulog ng mahimbing. Huwag isipin ang stress sa pagtulog at ipagpabukas ang mga problema.
Kung maaari, huwag buksan ang mga mata at huwag tumingin sa relo kapag nagising sa hatinggabi dahil lalong nakai-stress ito. Mag-concentrate sa mga bagay na nakaka-relax.
Pagkalipas ng 15 minuto kung hindi pa rin makatulog, lumipat ng kuwarto o higaan.
Kung hindi pa rin makatulog, subukan ang mga gawaing nakare-relax tulad ng pakikinig sa mga mellow music o gawin uli ang mga pre-sleep routine. Huwag magpumilit na matulog at hintaying antukin bago mahiga.