ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | April 06, 2021
Dear Doc. Shane,
Nakapagtataka dahil dinurugo ako kapag nagse-sex kami ng aking mister. Ano kaya ang sanhi nito? – Jenina Marie
Sagot Ang pagdurugo habang nakikipag-sex ay kondisyon na maraming kababaihan ang nakararanas at hindi lang kung ito ay unang beses makipag-sex. Ibang usapan ito — pagdurugo ay dahil sa pagkapunit ng ‘hymen’. Maraming posibleng sanhi ang pagdurugo habang nakikipag-sex. Isa-isahin natin ang mga karaniwang sanhi:
Isang posibilidad ay ang pagdurugo dahil nasusugatan ang mga haligi ng puwerta sa pakikipagtalik. Ito ay maaaring mangyari kung hindi sapat ang lubrikasyon habang nagse-sex; masyadong magaspang ang pasok ng ari ng lalaki. Ito ay mas madalas mangyari kung may pagbabago sa antas ng ‘estrogen’ sa iyong katawan na naoobserbahan kung nasa menopausal stage na. Ang madaling solusyon ay ang paggamit ng ‘lubricant’ o pampadulas habang nakikipagtalik; ang mga ito ay nabibili sa mga botika. Ang pagkakaroon ng mas mahabang panahon ng ‘foreplay’ ay nakapagbibigay ng dagdag-dulas sa puwerta ng babae at maaari ring makatulong.
May mga pagbabago rin sa ‘cervix’ o kuwelyo ng matris ng babae na maaaring magdulot ng pagdurugo habang nagse-sex. Ang pag-inom ng pills, kahit injectable ay posibleng magpataas ng posibilidad na ito ang sanhi. Ito ay puwedeng kusang mawala o maaaring kailanganing gamutin.
May impeksiyon din, kasama na ang ilan sa mga STD na puwedeng makaapekto sa ari ng babae at magdulot sa pagdurugo habang nakikipagtalik. Ikaw ba ay nagkaroon ng ibang partner sa sex sa nakaraang linggo at buwan? Ang partner mo ba ang ekslusibong sa iyo lamang nakikipagtalik? Ang mga tanong na ito ay dapat ikonsidera upang matukoy kung posible bang ikaw ay may STD o iba pang impeksiyon? Ang mga ito ay maaari ring magkaroon ng ibang kaakibat na sintomas tulad ng nana sa ari, pagkirot sa puwerta, lagnat at iba pa.
Mayroon ding mga kondisyon tulad ng ‘endometriosis’ at ‘uterine polyps’ na puwedeng magsanhi ng pagdurugo habang nakikipagtalik. Bukod dito, may mga kondisyon din sa katawan na ginagawang mas ‘duguin’ ang tao, tulad ng hemophilia. Bukod sa sex, may iba pang karaniwang sitwasyon na dinurugo ka rin tulad ng pagsesepilyo?
Karamihan sa mga sanhi ng pagdurugo habang nagse-sex ay hindi seryoso at marami ang kusang mawawala. Subalit, kung ito ay patuloy na nakasasagabal, mas maganda kung magpatingin sa OB-Gyne upang ma-examine nang maayos at mabigyan ng kaukulang solusyon.