ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | April 15, 2021
Dear Doc. Shane,
Nasugatan ang aking kaliwang paa nang napako ito habang gumagawa ako ng mesa. Nililinis ko ito gamit ang hydrogen peroxide pero tila hindi gumagaling. Nagkakaroon na ito ngayon ng nana na pinipisil ko kapag nililinisan. Ano ba ang dapat kong gawin para gumaling ito agad? – Bangs
Sagot
Masasabing naimpeksiyon ang sugat kapag ito ay namula, namaga at kumikirot o may nana at nagsisimulang bumaho. Masasabing kumakalat na sa ibang bahagi ng katawan ang impeksiyon kapag nagsanhi na ito ng lagnat, mapulang guhit sa ibabaw ng sugat o namamaga o kumikirot ang mga kulani.
Paggamot ng sugat:
Lagyan ng mainit na pantapal ang sugat sa loob ng 20 minuto nang apat na beses sa isang araw
Ilubog ang naimpeksiyong bahagi ng katawan sa balde ng mainit na tubig na may sabon o potassium permanganate (isang kutsarita sa isang balde)
Hayaang nakapahinga at nakataas ang naimpeksiyong bahagi
Kapag malala ang impeksiyon o kapag hindi nabakunahan ng gamot laban sa tetano, gumamit ng antibiotic tulad ng penicillin
Agad humingi ng tulong sa doktor kapag ang sugat ay bumaho, may lumalabas na kulay kape o abuhing katas, ang balat sa paligid nito ay umiitim at bumubula o nagkakapaltos dahil maaaring ito ay gangrena.
Pangangalaga sa ganitong uri ng napakalubhang sugat:
Hugasang mabuti ang sugat sa pinakuluang tubig sa sabon
Alisin ang lahat ng pira-pirasong dumi, namuong dugo at bulok o laman na grabe ang pinsala
Tanggalin ang dumi sa pamamagitan ng heringgilya o suction bulb
Banyusan ang sugat ng tubig na may potassium permanganate (1 kutsarita sa isang balde). Pagkaraan ay pahiran ang sugat ng gentian violet o lagyan ng kaunting antibiotic at balutan ng malinis na benda
Kung masyadong malalim ang sugat dahil sa kagat o kung malamang na may dumi pa ito, gumamit ng antibiotic. Ang pinakamahusay ay ang ampicillin. Kung hindi kayang bumili ng ampicillin, gumamit ng penicillin, tetracycline o sulfa
Huwag sasarhan ang ganitong uri ng sugat sa pamamagitan ng tahi o hugis paruparong benda. Hayaang nakabuka ang sugat
Napakalaki ng panganib na magkaroon ng tetano ang mga taong hindi nabakunahan laban sa nakamamatay na sakit na ito. Upang mabawasan ang panganib, ang taong hindi nabakunahan laban sa tetano ay dapat gumamit agad ng penicillin o ampicillin o pagkaraang magkaroon ng sugat na may ganitong uri, kahit na maliit lamang ang kapinsalaan.
Kung ang sugat na may ganitong uri ay malalang-malala, ang taong hindi pa nabakunahan laban sa tetano ay dapat gumamit ng mataas na dosis ng penicillin o ampicillin sa loob ng isang linggo o higit pa. Ang antitoxin sa tetano ay dapat ding isaalang-alang ngunit, tiyaking susundin ang mga kinakailangang pag-iingat sa paggamit nito.