ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | April 19, 2021
Dear Doc. Shane,
Mayroon akong parang maitim na butlig sa talampakan na parang may mga ngipin. Sinubukan kong gupitin ng nailcutter subalit, muli itong bumabalik. Sabi ng friend ko, kulugo raw ito. Masakit ito lalo na sa pagtapak ng paa ko. Ano ba ang puwedeng ipahid para hindi ito bumalik? – Lita
Sagot
Ang kulugo o wart sa Ingles at verruca sa pangalang medikal ay maliit at magaspang na bukol o tumor na kalimitang makikita sa mga kamay at paa ngunit, maaari ring matagpuan sa iba pang bahagi ng katawan. Kung minsan, ang mga kulugo ay maaaring mayroong maiitim na mga tulduk-tuldok. Ito ay sanhi ng virus na tinatawag na human papillomavirus (HPV). Nakahahawa ito sa pamamagitan ng pagdikit sa balat na kinaroroonan ng kulugo ng may sakit o kaya ay sa paggamit ng mga gamit ng taong may kulugo. Mayroong mga taong madaling mahawahan ng kulugo. Kalimitang nawawala ang mga kulugo makalipas ang ilang buwan, ngunit, maaari itong tumagal nang ilang taon at maaaring umulit. Anumang bahagi ng katawan ay maaaring tubuan o sibulan ng kulugo.
Mayroong apat na pangunahing uri ng kulugo: Ang verruca vulgaris, verruca plantaris, verruca plana at verruca acuminata.
Ang verruca vulgaris (common hand wart) ay ang kulugong nasa mga kamay. Ang verruca plantaris (foot wart) ay ang mahapding kulugong nasa mga paa. Ang verruca plana (flat wart) ay ang maraming mga kulugong lumilitaw sa mukha, leeg, kamay at tuhod na may katangiang maliliit at patag ang anyo. Ang verruca acuminata (genital wart) ay ang kulugo na isang uri ng mga sakit na nakukuha sa pakikipagtalik na lumilitaw sa mga ari o organong seksuwal ng kalalakihan at kababaihan. Ang kulugong ito ay napatunayang may kinalaman sa pagkakaroon ng cancer ng tao.
Ang kulugo ay dahil sa virus. Ang tao ay maaaring magkaroon ng kulugo dahil sa pagkakahawak o pagkakadikit ng kanyang balat sa bahagi ng katawang may kulugo ng taong may ganitong sakit. Maaari ring mahawa sa pamamagitan ng pakikipagtalik, partikular na ang kulugo sa ari, sa taong may sakit na kulugo sa ari.
Kabilang sa mga lunas sa kulugo ang pagpapatingin sa manggagamot. Ang manggagamot ay maaaring magmungkahi na tunawin ang kulugo sa pamamagitan ng asidong salisiliko (salycilic acid); ng pagsasagawa ng kriyosiruhiya (cryosurgery na paglalagay ng kulugo sa pridyider upang matanggal ang kulugo); ng paggamit ng laser (paggamit ng matinding liwanag, laser treatment) upang alisin ang kulugo; ng electrocautery na pagsunog at pagtanggal sa kulugo sa pamamagitan ng kuryente at ng iba pang mga pamamaraan ng paggamot o pagtanggal ng kulugo.