ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | April 22, 2021
Dear Doc. Shane,
Ang nanay ng BF ko ay namatay dahil sa sakit sa puso sa edad na 49. Wala naman daw itong naramdamang sintomas kaya nagtaka sila nang mahilo ito at nawalan ng malay. Bagama’t, itinakbo nila ito ospital, ilang oras lamang ang nakalipas ay namatay ito at ang sabi raw ay inatake sa puso. Ano ba ang sanhi ng sakit sa puso? Hindi kasi nila alam na may sakit pala ito sa puso. Mayroon itong high blood at diabetes pero may maintenance naman. – Menggay
Sagot
Dati-rati ay iniisip natin na ang lalaki lamang ang madalas na nagkakasakit sa puso. Pero ayon sa bagong datos, dumarami na rin ang mga babaeng inaatake sa puso. Kapag ang babae ay nag-menopause o lagpas na sa edad 50, tumataas na ang tsansa niyang magkasakit sa puso.
Ito ay dahil nawawala na ang proteksiyon na ibinibigay ng estrogen hormones dahil bumababa na ang level nito sa oras na mag-menopause na ang babae. Sa katunayan, kapag lumagpas na sa edad 65, may pagkakataong mas marami pang babae ang inaatake sa puso kumpara sa lalaki.
Magkaiba ang sintomas ng atake sa puso (heart attack) sa lalaki kumpara sa babae. Sa mga lalaki, nakararamdam sila ng paninikip ng dibdib. Ngunit, sa mga babae, ang sintomas nila ay kakaiba tulad ng hirap sa paghinga, pagsusuka, pagkahilo at pagkawala ng malay.
Minsan ay hindi sumasakit ang dibdib ng mga babaeng inaatake sa puso. Dahil dito, dapat maging maagap at dalhin agad sa ospital ang pasyente kapag may ganitong sintomas.
Mas maraming babaeng matataba kumpara sa lalaki. Ayon sa pagsusuri, 31% ng mga kababaihan na edad 50 hanggang 65 ang sobra sa timbang o overweight.
Bukod sa mga nabanggit, may mga risk factor na parehong nakikita sa kalalakihan at kababaihan. Tataas ang tsansang magkasakit sa puso kung ang tao ay may high blood pressure, mataas ang cholesterol, may diabetes, naninigarilyo, kulang sa ehersisyo at nasa lahi ang sakit sa puso.
Tatandaan, nakamamatay ang sakit sa puso kaya ingatan ang inyong puso sa pamamagitan ng tamang pamumuhay (healthy lifestyle) at pag-inom ng maintenance na gamot kung kinakailangan.