ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | April 28, 2021
Dear Doc. Shane,
Maaari ba ninyong talakayin ang tungkol sa cystitis at sintomas nito? Ako ay limang buwang buntis ngayon at sabi ng doktor ay hindi raw ito UTI, kundi cystitis. Kailangan ko raw uminom ng maraming tubig at antibiotic dahil dito. – Menggay
Sagot
Ang cystitis o bladder infection ay sanhi ng bakterya. Pinaka-common na sintomas nito ay ang madalas na pag-ihi, nakararanas ng sakit o mainit na pakiramdam tuwing iihi.
Mas common ang cystitis sa kababaihan lalo na sa panahon na sila ay buntis. Mas prone ang babae sa cystitis dahil sa mga sumusunod:
Malapit ang urethra patungong vagina sa anus
Maaaring pagmulan nito ang sexual intercourse
Ang pregnancy mismo ay nakai-interfere sa pag-e-empty ng bladder
Ang pagkaunti ng estrogen sa menopausal period ay nakapagpapanipis ng vaginal at vulvar tissues sa paligid ng urethra (atrophic vaginitis and atrophic urethritis) na maaaring mag-expose sa babae sa paulit-ulit na cystitis
Narito ang ilang sintomas ng cystitis:
Pakiramdam na palaging naiihi. Ang madalas na pag-ihi ay posibleng maging sanhi ng hindi makontrol na pag-ihi (uncontrollable loss of urine) lalo na sa matatanda
Lagnat
Nakararamdam ng sakit sa itaas na bahagi ng pubic bone at minsan ay masakit din sa lower back
Madalas na pag-ihi sa gabi (nocturia)
Cloudy ang ihi at maaaring mayroong dugo
Maaaring mawala ang cystitis kahit walang treatment. Minsan, ang cystitis ay walang sintomas, partikular na sa matatanda at nakikita lamang sa urinalysis o pagsusuri sa ihi.
Ang cystitis ay karaniwang nagagamot sa pamamagitan ng antibiotics subalit, mahalagang magpasuri muna bago uminom ng gamot. Kung may sumasakit na parte ng urinary tract, binibigyan din ng pain reliever ang pasyente. Ang pag-inom ng tubig ay nakatutulong ding ma-prevent ang cystitis. Sa pamamagitan nito, ang urine ay nakahuhugas sa bakterya palabas ng bladder.