ni Dr. & Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | November 4, 2021
Dear Doc Erwin,
Ako ay senior citizen at biyudo. Maliban sa aking osteoarthritis at paghina ng memorya ay malusog ang aking pangangatawan. Napag-alaman ko mula sa health store na makabubuti sa akin ang health supplement na tinatawag na Boron upang mas lumakas ang aking pangangatawan. Ano ba ang Boron at ano ang epekto nito sa ating kalusugan? – Dexter
Sagot
Maraming salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc.
Ang Boron ay trace mineral na mahalaga sa ating kalusugan. Ito ay nakukuha natin sa pagkain at sa mga commercial health supplement. Kung kayo ay regular na kumakain ng prutas, madahong gulay, mani at umiinom ng mga fermented na inumin galing sa gulay, tulad ng wine, cider at beer ay maaaring sapat na ang Boron sa inyong katawan.
Kung hindi kayo madalas kumain ng gulay, tandaan ang mga sumusunod na mayaman sa Boron: avocado, peanut butter, mani, prune juice, chocolate powder at red wine.
Bagama’t kaunti lamang, mayroon ding Boron ang kape at gatas.
Sa 2015 review article sa Integrative Medicine: A Clinician’s Journal, napag-alamang maraming scientific research na ang Boron ay kinakailangan ng ating katawan sa kalusugan ng ating mga buto, pagpapagaling ng sugat, sa regulasyon ng estrogen, testosterone at Vitamin D, at pag-absorb ng magnesium. Nakatutulong din ito upang mabawasan ang inflammation sa ating katawan at itaas ang level ng iba’t ibang anti-oxidant enzymes, tulad ng glutathione.
Nakitaan din ng epekto ang Boron sa pag-iwas at paggamot ng iba’t ibang uri ng kanser tulad ng prostate, cervical at lung cancer, gayundin laban sa lymphoma. Ito ay ginagamit din upang mabawasan ang mga hindi kanais-nais na epekto (adverse-effects) ng mga cancer chemotherapeutic drugs.
Tungkol sa inyong kalagayan ay makatulong ito sa inyong osteoarthritis at sa inyong paghina ng memorya.
Ayon sa pag-aaral ng isinagawa sa bansang Australia at inilathala sa Journal of Nutritional Medicine noong July 13, 2009 ay nakatulong na mabawasan ang mga sintomas ng severe osteoarthritis ang pag-inom ng Boron sa dose na 6 milligrams per day. Sa artikulo sa Journal of Dietary Supplements na nailathala noong 2009, ang mga pasyente na may osteoarthritis na uminom ng Boron (6 o 9 milligrams kada araw) ay nabawasan ang nararamdaman na sakit at joint rigidity at may malaking improvement sa kanilang mobility at flexibility. Karamihan din sa mga uminom ng Boron ay naitigil nila ang pag-inom ng gamot na ibuprofen, anti-inflammatory drug na ginagamit sa arthritis.
Nakita rin sa maraming epidemiological studies na mababa ang bilang ng nagkakaroon ng arthritis sa mga lugar kung saan ang Boron intake ay nasa 3 milligrams hanggang 10 milligrams per day. Sa isang pananaliksik na inilathala sa scientific journal na Bone nuong 1996 ay nakita na mababa ang concentration ng Boron sa parte ng buto na may arthritis.
May maitutulong kaya ang Boron sa paghina ng memorya ng mga senior citizens? Ayon sa 2013 study, na inilathala sa journal na Biological Trace Element Research ay nagkakaroon ng paghina ng brain electrical activity, attention at short-term memory ang indibidwal na kulang sa trace mineral na Boron. Kaya’t makatutulong ang Boron upang mapanatili ang brain electrical activity, cognitive performance at short-term memory ng mga elderly.
Hanggang sa ngayon ay wala pang naitalang daily minimum requirement ng Boron, ngunit kung babalikan ang mga pananaliksik na ating binanggit ay makikita na ang mga health benefits ng Boron ay makikita lamang sa minimum daily dose na 3 milligrams.
Maaaring gamitin ang dose na 6 o 9 milligrams per day sa osteoarthritis. Nagkakasundo naman ang mga siyentipiko na 20 milligrams kada araw ay ang maximum na safe upper limit ng daily intake ng Boron.
Karaniwang naibibili ang Boron bilang health supplement sa 3 milligram per tablet o capsule preparation.
Sana ay nasagot ng artikulong ito ang inyong mga katanungan.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com