ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | December 11, 2021
Dear Doc Erwin,
Two years ago ay inatake ako sa puso sa edad na 41. Sa kasalukuyan ay naka-recover na ako at muling nakabalik sa pagtatrabaho. Noong nakaraang buwan ay lumabas sa aming annual physical examination sa kompanya na ako ay may high blood pressure at tumataas ang aking blood sugar. May inireseta sa aking mga gamot upang bumaba ang aking blood pressure at blood sugar. Dahil nabanggit ko sa aming company physician na ako ay natutulog lamang ng apat na oras gabi-gabi ay pinayuhan niya ako na sikaping magkaroon ng sapat na tulog. Ilang oras ba ang sapat na tulog para sa aking edad? – Emerson E.
Sagot
Maraming salamat Emerson sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc.
Ayon sa Department of Health and Human Services ng Amerika ay kinakailangan natin matulog ng sapat upang maging malusog ang ating katawan at isip.
Magkakaiba ang haba ng tulog na ating kailangan base sa edad. Ayon sa US Center for Disease Control (CDC), sa iyong edad na 41, kinakailangan mo ng hindi bababa sa pitong oras na tulog.
Pagtuntong mo ng edad 61 hanggang 64 ay kailangan mo ng pito hanggang siyam oras ng tulog.
At sa edad na 65 ay pito hanggang walong oras naman ng tulog ang kakailanganin.
Sa mga teenagers naman, nararapat silang matulog ng walo hanggang 10-oras, sa newborns ay mula 14 hanggang 17-oras na tulog ang kailangan.
Ayon sa Center for Disease Control ng Amerika, kapag hindi sapat ang tulog ay tumataas ang risk na magkaroon ng high blood pressure, Type 2 diabetes at obesity. Kaya makabubuti sa iyong kalusugan na matulog ng sapat sa oras upang maiwasan ang pagtaas ng blood pressure at pagtaas ng blood sugar.
Ayon sa isang scientific article na inilathala noong August 2010 sa medical journal na Chest, ang official publication ng American College of Chest Physicians, ang kakulangan sa tulog at pagkakaroon ng insomnia ay dahilan ng pagtaas ng blood pressure o hypertension. Ang pagkakaroon ng hypertension ay maaaring maging dahilan ng pagkakasakit sa puso. Ayon sa Sleep Heart Health Study ang indibidwal na natutulog ng hindi hihigit sa limang oras ay mas mataas ang risk na magkaroon ng hypertension.
Habang tayo ay natutulog ay bumababa ang ating blood pressure ng 10 hanggang 20 porsiyento, ito ay tinatawag na “nocturnal dipping”. Ito ay normal na nangyayari at nakatutulong upang mapanatili ang kalusugan ng ating puso. Ang hindi pagkakaroon ng “nocturnal dipping” habang natutulog ay predictor ng cardiovascular risk. Ayon sa Ohasama Study, tumataas ang cardiovascular mortality kapag nababawasan ang nocturnal dipping. Ibig sabihin, kung kulang ang oras sa tulog ay nababawasan ang panahon na mababa ang ating blood pressure (dahil sa nocturnal dipping) at ito ang dahilan ng pananatiling mataas ang blood pressure dahilan ng pagkakasakit sa puso.
Sana ay nasagot ng artikulo na ito ang inyong mga katanungan.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com