ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | December 21, 2021
Dear Doc Erwin,
Ako ay 35 years old at isang office worker. Dahil sa aking trabaho na computer specialist, madalas ay maghapon akong nakaupo at nasa harap ng computer. May mga panahong pagkatapos ng trabaho at pag-uwi ko sa bahay ay nakararamdam ako ng sakit sa ibabang bahagi ng aking likod. Nawawala naman ang sakit at muling nakakapasok sa aking trabaho matapos uminom ako ng pain reliever at ipahinga sa magdamag.
Ano ang mga kadahilanan ng pagsakit ng ibabang bahagi ng likod? Ano ang maaari kong gawin upang mabawasan ang sakit bukod sa pag-inom ng gamot? - Adelle P.
Sagot
Maraming salamat Adelle sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc.
Ang pagsakit ng ibabang bahagi ng ating likod o karaniwang tinatawag na ‘low back pain’ ay kadalasang nararanasan mula edad 35 pataas. Ayon sa Harvard Medical School aabot sa 80 porsiyento sa atin ay makararanas ng low back pain habang tayo ay nagkakaedad.
Ano nga ba ang mga kadahilanan ng low back pain?
Ayon sa mga dalubhasa, ang low back pain ay kadalasang nagmumula sa mga pagbabago sa ating mga buto at joints sa ating likod. Ang mga buto sa ating likod ay tinatawag na ‘spine’ at ‘sacrum’. Maaaring manggaling ang sakit sa unti-unting pagkasira o paghina ng tinatawag ng ‘discs’ sa pagitan ng buto sa ating spine. Kapag ito ay nangyari, maaaring maipit ang mga nerves na nanggagaling sa ating spine at maging sanhi ng low back pain.
Ang isang uri ng low back pain na maaring maging sanhi ng sakit na nagmumula sa likod at umaabot hanggang sa ating binti ay ang tinatawag na ‘sciatica’. Ang dahilan nito ay ang pagkaipit ng sciatic nerve, isang nerve na galing sa ibabang bahagi ng ating spine.
Maaaring magmula rin ang low back pain, ayon sa Johns Hopkins Hospital, sa arthritis ng spine, spinal stenosis o myofascial pain syndrome.
Bukod sa mga nabanggit, maaaring magkaroon ng low back pain sa pagbubuhat ng mabigat na bagay at ang pagkilos ng ating katawan na hindi nakasanayan. Ang mga nabanggit ay maaaring dahilan ng sprain o strain kung saan ang muscle o tendon sa ating likod ay nababanat ng husto na nagiging dahilan ng low back pain. Nagiging dahilan din ng low back pain ang matagal na pag-upo katulad ng iyong nabanggit, o ang matagal na pagtayo.
Depende sa kadahilanan at severity ng low back pain, maaaring maghintay ng tatlo o apat na araw bago kumunsulta sa doktor. Sa loob ng panahon na ito ay maaaring gamitan ng ilang home remedies upang maibsan ang sakit. Ipinapayo ng Harvard Medical School na sa unang 48-hours mula mag-umpisa ang low back pain ay maaari itong gamitan ng ice pack upang mabawasan ang sakit at mabawasan ang pamamaga ng inyong likod.
Matapos ang 48-hours, ipinapayo na mas makabubuti ang heat therapy kung saan maaaring gumamit ng heating pads o hot water bottle. Makatutulong ang init upang ma-relax ang muscle at dumami ang blood flow na makatutulong sa mas mabilis na paggaling at pagkawala ng low back pain. Mabisa lamang ang heat therapy sa unang isang linggo.
Makatutulong din ang bed rest, ngunit ipinapayo na limitahan ang bed rest sa dalawa o tatlong oras lamang. Maaari itong gawin ng ilang beses sa isang araw sa loob ng isa o dalawang araw lamang. Ayon sa mga dalubhasa mas makabubuting patuloy na kumilos at limitahan ang bed rest ayon sa nabanggit. Sa paraang ito mas mabilis na gagaling ang low back pain. Isang mabisang paraan ng pagkilos ay ang paglalakad (walking). May mga pag-aaral na nagpakita ng bisa ng paglalakad upang malunasan ang low back pain.
Ilan pang mga pamamaraan na ginagamit ng Johns Hopkins Hospital na makatutulong sa low back pain ay ang therapeutic massage (masahe), physical therapy, biofeedback therapy, yoga, tai chi at acupuncture. Maaaring makatulong din ang mga physical therapists at mga ‘chiropractors’ na mga dalubhasa sa pag-correct ng spinal alignment.
Kung ang back pain ay hindi nalunasan ng mga nabanggit o kaya ay may kasama itong ibang sintomas, tulad ng hirap sa paglalakad, at problema sa balanse, pag-ihi at pagdumi, nararapat na sumangguni agad sa inyong doktor.
Sana ay nasagot ng artikulo na ito ang inyong mga katanungan.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com