ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | January 29, 2022
Dear Doc Erwin,
Ako ay regular coffee drinker at sa edad ko na 52 ay napansin ko na maayos pa rin ang aking memorya. Nais kong malaman kung may makabagong pag-aaral ba tungkol sa epekto ng coffee sa pagtanda at sa pagiging ulyanin? - Lycea N.
Sagot
Maraming salamat Lycea sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at sa pagsubabay sa ating health column.
Kung pag-aaralan ang mga scientific literature sa larangan ng coffee science at brain aging ay makikita ang dahilan kung bakit may “coffee craze”.
Ang kape ay naglalaman ng iba’t ibang bioactive compounds, tulad ng caffeine, chlorogenic acid, polyphenols at ilang vitamins at minerals. Sa isinagawang epidemiological studies, nakitaan ng beneficial effects ang pag-inom ng kape sa iba’t ibang health conditions, tulad ng stroke, heart failure, cancers, diabetes at Parkinson’s Disease. May mga pag-aaral din na nakitaan ng protective effect ang coffee laban sa dementia, Alzheimer’s Disease at mild cognitive impairment.
Sa meta-analysis study na isinagawa noong 2016, nakita na ang pag-inom ng isa hanggang dalawang tasang kape araw-araw ay nakababawas ng pagkakaroon cognitive disorders, kasama na ang dementia.
Ang pinakabagong pag-aaral tungkol sa epekto ng pag-inom ng coffee ay isinagawa ng mga scientists sa Center of Excellence for Alzheimer’s Disease Research and Care sa Edith Cowan University School of Medical and Health Sciences sa Western Australia.
Inilathala ang resulta ng kanilang research sa scientific journal Frontiers in Aging Neuroscience noong November 19, 2021, ilang buwan lamang ang nakararaan. Tinawag ang pag-aaral na ito ng Australian Imaging, Biomarkers, and Lifestyle (AIBL) Study.
Sa nabanggit na AIBL study, pinag-aralan ang relasyon ng pag-inom ng kape ng 227 na normal na matatandang indibidwal, 60 years old pataas, sa pagkakaroon ng cognitive decline. Ito ay prospective longitudinal study kung saan inobserbahan ang epekto ng pag-inom ng kape sa loob ng sampu at kalahating taon (10 years at 6 months). Gumamit ng cognitive assessments, positron emission tomography (PET) scan at magnetic resonance imaging (MRI) scan ang mga researchers upang makita ang epekto ito sa cognitive function at brain ng participants.
Ayon sa resulta ng research, ang regular na pag-inom ng coffee ay nagpabagal ng paghina ng cognitive function ng participants. Nagpabagal din ito ng paglabas ng mga senyales ng paghina ng cognitive function, ayon sa cognitive function tests. Nagpabagal din ang pagkakaroon ng amyloid deposits sa brain ng participants. Ang amyloid deposits sa utak ay associated sa pag-develop ng cognitive decline, Alzheimer’s Disease at dementia dahil sa pinaniniwalaang neurotoxic effect nito sa brain.
Ayon kay Dr. Samantha Gardner, lead investigator sa research, ang pag-inom ng kape ay may positive effects sa ating cognitive executive functions, tulad ng planning, self-control at attention. Dagdag pa nito, ang pag-inom ng dalawang tasang kape ay makakapagpababa ng cognitive decline by 8 percent sa loob lamang ng 18-buwan. Ang lahat ng ito ay nangangahulugang sa pamamagitan ng regular pag-inom ng dalawang tasang kape ay maaari nating ma-delay ang pagkakaroon ng Alzheimer’s Disease, dementia at cognitive decline.
Sana ay nasagot ng ating mga ipinahayag sa itaas ang iyong mga katanungan.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com