top of page
Search

ni Dr/Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | Mar. 24, 2025




Dear Doc Erwin, 


Ako ay isang college student sa isang private university. Graduating na ako sa taong ito. May mga health issue ako na kinakaharap, at ang isa rito ay ang aking obesity. Ilang taon na rin akong nagsisikap na mapababa ang aking timbang. Ayon sa aking doktor, sa pagbaba ng aking body weight ay bababa na rin ang aking blood pressure at ang aking blood sugar.


Humingi ako ng advice sa isang nutritionist sa aming university kung anong mga pagkain ang makakatulong sa akin upang bumaba ang aking timbang. Isa sa mga ipinayo niya sa akin ang regular na pagkain ng mga food na mayaman sa lycopene katulad ng tomatoes (kamatis).


Nais ko sanang malaman kung may mga pag-aaral tungkol sa lycopene at paano ito makakababa ng aking timbang. Bukod dito, may iba pa bang health benefits ang lycopene? Maraming salamat po at sana'y matugunan nyo ang aking mga katanungan. — Edward 


 

Maraming salamat Edward sa iyong pagliham at pagiging tagasubaybay ng Sabi ni Doc at BULGAR newspaper.


Maraming salamat din sa’yong katanungan. Isa itong pagkakataon upang malaman ng ating mga kababayan ang kahalagahan ng tomato (kamatis) at sangkap nito na “lycopene” sa ating kalusugan.


Ang lycopene na galing sa kamatis ay isang natural antioxidant na maraming health benefits. Bukod sa magaling itong antioxidant ay pinapalakas din nito ang iba pang antioxidants katulad ng Vitamin E at Vitamin C. 


Sa mga nakaraang artikulo ng Sabi ni Doc ay nailahad na natin na ang mga antioxidants ay nakakatulong upang makaiwas tayo sa sakit sa puso (cardiovascular diseases), cancer, at metabolic diseases katulad diabetes. Nakakatulong din ang mga ito upang makaiwas sa mga neurodegenerative diseases katulad ng Alzheimer’s disease at ibang dahilan ng pagka-ulyanin (dementia).


Ayon sa isang artikulo na nailathala noong November 19, 2021 sa scientific journal na Oxidative Medicine and Cellular Longevity, ang lycopene ay nakakatulong upang maiwasan ang atherosclerosis dahil sa positibong epekto nito sa maraming factors na nagdudulot ng sakit na ito. Ang atherosclerosis ay nagiging dahilan ng pagbabara ng ating mga ugat (blood vessels) na sanhi ng atake sa puso (myocardial infarction) at stroke. 


Ayon sa Cleveland Clinic ng bansang Amerika, bumababa ang risk na magkaroon ng heart disease by 14 percent kung mataas ang blood level ng lycopene. Ito ay base sa isang review ng 25 clinical trials na nailathala sa Biology, isang kilalang research journal, noong February 4, 2022. 


Sa isa pang pag-aaral, ayon sa Cleveland Clinic, ay napatunayan na nakakababa ng LDL (bad cholesterol) level at nakakataas ng HDL (good cholesterol) level ang pag-inom ng tomato juice. Na-publish ang research na ito sa Food and Chemical Toxicology journal noong December 2014.


Ayon sa unang nabanggit na artikulo sa journal ng Oxidative Medicine and Cellular Longevity, ang lycopene ay napatunayan sa mga epidemiological studies na nagpoprotekta sa atin laban sa prostate at colorectal cancers. Napatunayan din sa mga tissue culture experiments na ini-inhibit ng lycopene ang paglaki at pagdami ng mga cancer cells. Namamatay din ang mga cancer cells dahil sa lycopene. Effective rin ang lycopene laban sa breast cancer dahil sa epekto nito sa insulin-like growth factor 1 receptor (IGF-1R), ayon sa isang pag-aaral na inilathala noong 2011 sa Free Radical Research journal.


Hindi natatapos sa mga nabanggit ang health benefits ng lycopene. Sa libro ni Dr. William Li, na may titulong Eat to Beat your Diet (2023) binanggit niya ang lycopene bilang isang “bioactive” na makikita hindi lamang sa kamatis. Mayroon ding lycopene ang watermelon, bayabas, papaya, persimmon, red bell pepper at pink grapefruit.


Ayon kay Dr. William Li, may pag-aaral na ang lycopene ay nilalabanan ang ating pagtaba (weight gain) sa pamamagitan ng pag-convert ng white fat na maging brown fat, at ina-activate ng lycopene ang thermogenesis ng brown fat. 


Pinipigilan din ng lycopene na bumuo ng mga bagong fat cells ang ating katawan. Ito ay ayon sa pag-aaral na nailathala noong 2019 sa Molecular Nutrition and Food Research. 


Dahil sa lycopene nababawasan din ang lamang liquid fat ng ating mga fat cells. Nagiging dahilan ito upang lumiit ang ating mga fat cells. Mababasa ang resulta ng pag-aaral na ito sa International Journal for Vitamin and Nutrition Research na nailathala noong taong 2021.


Bukod sa mga nabanggit na food sources ng lycopene, ang mga processed tomato products katulad ng tomato paste, ketchup, tomato juice at tomato soup ay mayroon ding lycopene. 


Tandaan natin na mas maraming lycopene ang naa-absorb ng ating katawan kung ang kamatis ay pinainitan o niluto muna bago kainin. Mas mataas din ang lycopene levels ng mga kamatis na itinanim sa farm lots kaysa sa mga kamatis na lumaki sa mga greenhouses.


Maraming salamat muli sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan.


 

Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

 
 

ni Dr/Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | Mar. 17, 2025




Dear Doc Erwin, 


Ako ay 40-anyos, may asawa at nagtatrabaho sa isang pribadong kumpanya. Masugid akong tagasubaybay ng BULGAR newspaper at ng inyong column.


Hindi ako umiinom ng alak at walang diabetes. Maingat ako sa aking kalusugan ngunit kamakailan ay na-diagnose ako na mayroong fatty liver disease. Ito ay ayon sa ultrasound na isinagawa kasabay ng aming annual physical examination sa aming kumpanya.


Dahil dito ay pinapainom ako ng aming company physician ng Choline supplement at pinapakain ng pagkain na mayaman sa Choline. Nais ko sanang malaman ang kahalagahan ng Choline sa aking kalusugan at papaano ito makakatulong sa aking fatty liver disease. Anong mga pagkain ang dapat kong kainin upang makakuha ng sapat na Choline para sa aking sakit na fatty liver disease? Maraming salamat at sana‘y matugunan n‘yo ang aking mga katanungan. Jose Antonio


 

Maraming salamat Jose Antonio sa iyong pagliham, mga katanungan at pagiging tagasubaybay ng Sabi ni Doc at BULGAR newspaper.


Maraming uri ng fatty liver disease. Dahil ikaw ay hindi umiinom ng alak, maaaring ang iyong sakit ay tinatawag na “nonalcoholic fatty liver disease”. Ang sakit na ito ay dahil sa build up ng excess fat sa iyong atay (liver). May iba’t ibang kadahilanan kung bakit ito nangyayari, katulad ng diabetes kung saan mataas ang blood sugar level. Maaari rin na ito ay dahil sa iyong diet o kaya ay dahil sa genetic disease.


Ayon sa National Institute of Health ng bansang Amerika, ang nonalcoholic fatty liver disease ay karaniwang isang “silent disease” o walang sintomas at walang specific na approved na gamot para rito. Ngunit inirerekomenda ng mga doktor ang pagbabawas ng timbang (weight loss) at healthy diet upang mabawasan ang taba, inflammation at fibrosis sa atay.


May kinalaman kaya ang ating diet sa pagkakaroon ng fatty liver disease? Ayon sa isang pag-aaral na isinagawa ng mga dalubhasa mula sa Nutrition Research Institute ng University of North Carolina, ang mga taong may kakulangan sa Choline sa kanilang kinakain ay nagkakasakit ng fatty liver disease. Ayon din sa kanila, ang mga laboratory animals na kulang sa Choline ang kinakain ay nagkakaroon ng fatty liver disease, fibrosis at cancer sa atay. Ang research na ito ay mababasa sa scientific journal na Current Opinion in Clinical Nutrition and Metabolic Care na nailathala noong May 2013.


Ayon pa rin sa nabanggit na research ng University of North Carolina, kinakailangan na kumain tayo ng mga pagkain na mayaman sa Choline dahil kailangan ito ng ating katawan sa pagbuo ng cellular membranes ng ating cells, lipoproteins, bile at surfactants at ng mga neurotransmitters. Importante rin ang Choline sa kidney function at mitochodrial function. 


Ang recommended na adequate intake ng Choline ay 550 milligrams (mg) bawat araw. Ayon sa Framingham Offspring Study at iba pang mga pag-aaral, maaari itong mag-range mula 150 mg hanggang 500 mg bawat araw. Ito ang kinakailangan natin na dami ng Choline araw-araw mula sa ating kinakain o mula sa supplement upang makaiwas magkaroon ng fatty liver disease.


Ang mga pagkain na mayaman sa Choline ay itlog, atay ng baka, manok, isda, soybeans, sunflower seeds, quinoa at kidney beans. Maaari ring makakuha ng Choline mula sa gatas at yogurt.


May Choline supplements din na mabibili sa mga botika at online stores. May ibang supplements din na puwedeng inumin na may lamang Choline, ito ay ang Phosphatidylcholine, at Lecithin. Sumangguni muli sa iyong doktor kung iinom ng mga nabanggit na supplements upang mabigyan ng payo kung paano ito iinumin at ang tamang dose.


Maraming salamat muli sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan.


 

Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

 
 

ni Dr/Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | Mar. 10, 2025




Dear Doc Erwin, 


Napanood ko sa isang YouTube video ang patotoo ng isang pasyente na nakabuti sa kanyang memorya ang Methylene Blue. Nagbigay din daw ito, ayon sa kanya ng physical na lakas sa pang-araw-araw na gawain.


Ano ba ang Methylene Blue? At paano ito makakatulong sa akin? Ano ang dapat kong gawin at asahan kung nais kong uminom ng Methylene Blue? Maraming salamat at sana‘y matugunan n‘yo ang aking mga katanungan. Patrick


 

Maraming salamat Patrick sa iyong pagliham, mga katanungan at pagiging tagasubaybay ng Sabi ni Doc at BULGAR newspaper.


Batay sa isang review article na nailathala noong September 29, 2022 sa Precision and Future Medicine journal, ang Methylene Blue ay isang pharmaceutical agent o gamot na ginagamit sa iba’t ibang sakit katulad ng methemoglobinemia, malaria, urinary tract infection at encephalopathy sa mga cancer patients. Nakakatulong ang Methylene Blue sa mga surgical procedures upang makita ang mga nerves at endocrine glands (surgical staining). Ginagamit din ito upang ma-sterilize ang dugo bago mag-blood transfusion.


Gayundin, ginagamit ang Methylene Blue sa photodynamic therapy sa mga pasyente na may lung cancer, breast at prostate cancer.


Ayon sa mga researchers sa pangunguna ni Dr. Assel Seitkazina ng Chemical and Biological Integrative Research Center ng Korea Institute of Science and Technology, ang Methylene Blue ay isang neuroprotective agent at gamot din ito laban sa COVID-19 disease. Bukod dito, ayon sa kanila, epektibo itong panlaban sa depression at anxiety ayon sa mga animal at human studies. 


Very promising din ang Methylene Blue bilang gamot sa neurodegenerative diseases katulad ng Alzheimer’s Disease. Sa isang clinical trial na nailathala ang resulta sa Journal of Alzheimer’s Disease noong 2015, pinainom ng Methylene Blue ang 321 pasyente na may mild to moderate na Alzheimer’s Disease. May moderate effect ang Methylene Blue matapos ang anim na buwan na gamutan. Ayon sa mga researchers nakakatulong ang Methylene Blue upang mawala o mabawasan ang pagdami ng amyloid plaques sa may sakit ng Alzheimer’s Disease.


Kaugnay nito, sa isang pag-aaral na isinagawa ng University of Texas Health Science Center at ng Department of Psychology and Institute for Neuroscience ng University of Texas at Austin, ang low dose Methylene Blue ay nagpalakas ng memorya ng mga study participants na may edad 26 hanggang 62 years old. Nailathala ang resulta ng clinical trial na ito sa Radiology journal noong June 28, 2016.


Base sa pag-aaral ng mga scientist mula sa Department of Cell Biology and Molecular Genetics sa University of Maryland sa bansang Amerika, ang Methylene Blue ay malaki ang potensyal bilang anti-aging drug. Ayon sa kanilang studies, ang Methylene Blue ay kayang proteksyunan ang ating balat at mapapabagal nito ang skin aging. Mababasa ang pag-aaral na ito sa Scientific Reports 7, Article Number 2475 na nailathala noong 2017.


Nakakatulong din ang Methylene Blue sa paggaling ng sugat dahil sa epekto nito sa pag-promote ng fibroblast migration at proliferation during wound healing process, pagbawas ng impeksyon at pag-promote ng agarang pagtuyo ng sugat.


Kung nais ninyong uminom ng Methylene Blue ay makakabuti na kumonsulta sa inyong doktor upang kayo ay magabayan sa tamang dose at paraan ng pag-inom. Hindi para sa lahat ang Methylene Blue. Tandaan natin na maaaring makaranas ng side effects sa pag-inom nito katulad ng urine discoloration, pagsakit ng tiyan, sakit ng ulo, pagkahilo at allergic reaction. Maaari ring magkaroon ng interaksyon ang Methylene Blue sa inyong gamot na iniinom.


Maraming salamat muli sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan.


 

Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page