ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | June 9, 2022
SA ikalawang bahagi ng ating artikulo tungkol sa mga payong pampahaba ng buhay ni Dr. David Sinclair, multi-awarded na researcher at tanyag na propesor ng Harvard Medical School, ipagpatuloy natin ang mga ipinahayag niyang ebidensiya na pinahahaba ang buhay ng pagkain ng mas kaunti (calorie restriction diet). Sa research experiment na ginawa noong 1991 hanggang 1993, na tinawag na Biosphere 2, nakita ni Dr. Roy Walford, isang propesor ng pathology sa University of California-Los Angeles School of Medicine, at ng kanyang mga kasamang researchers na ang pagkain ng mas kaunti ay nakatutulong sa kalusugan ng tao, tulad ng pagpayat, pagbaba ng blood pressure, pagbaba ng blood sugar at pagbaba ng cholesterol level.
Ayon kay Dr. Sinclair, sa research study kung saan pinag-aralan ng Duke University research team ang calorie restriction diet, kung saan binawasan ng average na 12 percent ang karaniwang kinakain sa 145 katao sa loob ng dalawang taon ay nakita ng mga scientists na napabagal nito ang pagtanda (biological aging) at naging malusog ang pangangatawan ng mga participants. Ang resulta ng pagaaral na ito ay inilathala sa The Journals of Gerontology noong 2017.
Binanggit din ni Dr. Sinclair sa kanyang isinulat na librong Lifespan ang tungkol kay Paul McGlothin, isang 70-year old na CEO ng isang kumpanya at New York state chess champion, isang advocate ng calorie restriction diet. Matapos na pag-aralan ng laboratoryo ni Dr. Sinclair ang blood biomarkers at mga health indicators ni McGlothin, nakita na ang kanyang blood pressure, cholesterol, resting heart rate at linaw ng mata (visual acuity) ay katulad ng makikita sa mas nakakabatang edad.
Kailan dapat mag umpisa ng calorie restriction diet upang makatulong ito na humaba ang buhay? Makatutulong pa ba ang ang pagkain ng mas kaunti sa 60 years old na senior citizen?
Ayon kay Dr. Sinclair, hindi kailangang mag-calorie restriction diet simula pagkabata. Ngunit makabubuti na maagang mag-umpisa sa calorie restriction diet. Ang longevity benefits ng pagbabawas ng pagkain ay makukuha ninuman kung mag-uumpisa kumain ng mas kaunti mula edad 40 +. Ito ang edad kung kailan nag-uumpisa na maramdaman ng ating katawan ang epekto ng pagtanda.
Makatutulong pa ba ang calorie restriction diet sa isang senior citizen na may edad 60 o 65? Ayon kay Dr. Sinclair, batay sa mga research studies, maaari pang mapahaba ang buhay at maiwasan ang ilang mga sakit kung magka-calorie restriction diet and senior citizen.
Anu-anong mga sakit ang maaaring maiwasan ng calorie restriction diet? Ayon kay Dr. Rozalyn Anderson, isang professor sa University of Wisconsin, makakaiwas sa mga sakit katulad ng sakit sa puso, diabetes, stroke at cancer ang indibidwal na nagka-calorie restriction diet.
Kailangan ba na mamuhay na palaging naka-calorie restriction diet? May iba pa bang paraan para mapahaba ang buhay na gamit ang calorie restriction diet? Ang mga sagot sa mga katanungang ito ay kasunod nating tatalakayin. Abangan ang ikatlong bahagi ng ating serye tungkol sa mga advice ni Harvard professor Dr. David Sinclair kung paano humaba ang ating buhay.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com