ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | November 22, 2022
Dear Doc Erwin,
Ako ay regular na tagasubaybay ng inyong Sabi ni Doc column. Retirado akong elementary teacher at naging kaugalian ko na ang magbasa ng dyaryo, araw-araw. Sabi nila ang pagbabasa ay makatutulong upang maiwasan ang unti-unting panghihina ng memorya ng nakakatanda. Bukod sa pagbabasa ay regular din akong nag-e-exercise at umiinom ng multivitamins. Makatutulong umano ang multivitamins upang mapanatili ang malusog na katawan at isipan kung hindi sapat ang masustansyang kinakain araw-araw. Ito ang dahilan kung bakit patuloy akong umiinom nito kahit may kamahalan.
Nais kong malaman kung may makabagong pag-aaral tungkol sa benepisyo ng regular na pag-inom ng multivitamin ng mga seniors na tulad ko. - Eugenia
Sagot
Maraming salamat Ma’am Eugenia sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc.
Tradisyunal ng ipinapayo ng mga doktor ang regular na pag-e-exercise at pagkain ng masusustansyang pagkain upang mapanatili ang malusog na pangangatawan at kaisipan. Ngunit may pagkakaiba ng opinyon ang mga doktor tungkol sa regular na pag-inom ng multivitamins.
Tingnan natin ang pinakamalaking clinical trial na isinagawa noong 1997 hanggang 2011. Tinawag itong Physicians’ Health Study II. Sa trial ay pinag-aralan ang epekto ng pag-inom ng Vitamin C, Vitamin E at multivitamin/mineral supplement upang makaiwas sa sakit sa puso, cancer, sakit sa mga mata at cognitive decline. Mahigit 14, 000 kalalakihan na may edad 50 pataas ang lumahok sa clinical trial na ito.
Ang resulta—matapos ang sampung taon na pag-aaral (natapos noong 2007) ay hindi nakatulong ang Vitamin C at Vitamin E upang makaiwas sa sakit sa puso at cancer.
Ngunit maganda ang naging resulta ng epekto ng pag-inom ng multivitamins sa pagkakaroon ng cancer at catarata. Matapos ang mahigit 11 taon na pag-aaral (natapos ito noong 2011) ay nabawasan ng 12 porsyento ang risk na mamatay sa iba’t ibang uri cancer. Bagama’t walang nakitang epekto ang regular na pag-inom ng multivitamins sa pagkakaroon ng prostate cancer ay nakatulong ito sa pagbaba ng risk na magkaroon ng catarata.
Sa pinakabagong clinical trial na isinagawa sa North Carolina, USA at inilathala nito lamang September 14, 2022 sa official scientific journal ng Alzheimer’s Association na Alzheimer’s & Dementia ay nakitaan ng magandang epekto sa overall brain health, memory at executive functions ng seniors edad 65 pataas. Ayon sa Wake Forest University School of Medicine sa North Carolina ay makatutulong ang regular na pag-inom ng multivitamins upang mapabagal ng halos 60 porsyento ang unti-unting paghina ng brain function.
Kung ang pagbabasehan natin ay ang pinakabagong clinical trial sa Amerika, kung saan lumahok ang mahigit 2,000 na may average age na 73 years old at ang nakaraan na Physicians’ Health Study II kung saan mahigit na 14, 000 ang mga study participants, makatutulong ang pag-inom ng multivitamins. Bukod sa pagbagal ng paghina ng brain function ay maaari rin itong makatulong upang mapababa ang risk na magkaroon ng iba’t ibang uri ng cancer.
Sumangguni sa inyong doktor kung ninanais ninyong ipagpatuloy o mag-umpisang regular na uminom ng multivitamins upang makasigurong ang multivitamin supplement ay nararapat at makabubuti sa inyong kalusugan.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com