ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | July 14, 2020
Dear Doc. Shane,
Ano ba ang dahilan ng pagkakaroon ng UTI? May kaugnayan ba ito sa kinakain o sa pagpipigil lang ng ihi at kakulangan sa pag-inom ng tubig? Ano ba ang sanhi ng UTI, bukod sa mga nabanggit? Maaari rin ba ninyong talakayin ang mga sintomas nito? – Lanah
Sagot
Ang urinary tract infections (UTI) ay isang uri ng sakit na umaapekto sa daluyan ng ihi at ari ng tao. Ito ay dulot ng mga mikrobyo na nagpapahina sa kakayahan ng katawan na labanan ang sakit na maaaring umapekto sa bahaging ito ng katawan.
Ang sakit na ito ay umaapekto sa mga bato, pantog (bladder), maging sa ibang mga bahaging umuugnay sa mga ito.
Ano ang sanhi nito?
Ang UTI na cystitis ay karaniwang dulot ng Escherichia coli o E. coli, isang uri ng bakterya na karaniwang matatagpuan sa mga bituka. May mga pagkakataong ang sakit na ito ay dulot ng iba pang uri ng bakterya.
Hindi ligtas na pakikipagtalik. Lahat ng kababaihan ay may panganib na magkaroon ng cystitis. Kapag labis na nakabuka ang puwerta o ari nito, tulad ng nangyayari tuwing nakikipagtalik ay mas malaki ang posibilidad na makapasok ang bakterya sa loob ng urethra. Ito ay dahil malapit lamang ito sa puwit.
Impeksiyong dulot ng sexually transmitted disease. Ang mga mikrobyong dulot ng sexually transmitted na mga sakit, tulad ng herpes, tulo (gonorrhea), klamidya (chlamydia) at maging ang mycoplasma ay maaari ring magdulot ng UTI sa kababaihan.
Mga sintomas:
Mahapding pakiramdam sa ari tuwing umiihi
Dumadalas na pakiramdam na naiihi kahit walang lumalabas na ihi
Pagkakaroon ng dugo sa ihi (hematuria)
Pagkakaroon ng malabong ihi
Ihi na kakulay ng tsaa o kaya ay ng soft drink
Ihi na may masangsang na amoy
Pananakit ng balakang sa kababaihan
Pananakit sa may puwitan ng kalalakihan
Maaaring iwasan ang UTI sa pamamagitan ng mga sumusunod:
Pag-inom ng maraming tubig
Ugaliing umihi pagkatapos makipagtalik
Huwag magpigil ng ihi
Tiyaking magpunas mula sa harap papunta sa likod pagkatapos umihi o kaya dumumi
Iwasan ang madalas na paggamit ng feminine wash—maaari nitong masira ang natural na balanse ng mga bakterya sa loob ng ari
Ugaliing palitan ang mga birth control na ginagamit
Ang urinary tract infection (UTI) ay kadalasang madali lamang gamutin. Upang gumaling agad, maaaring imungkahi ng doktor ang mga sumusunod na lunas:
Pag-inom ng antibiotic
Pag-inom ng pain reliever
Paglalagay ng heating pad sa likuran
Pag-inom ng cranberry juice
Pag-inom ng buko juice
Pagkonsumo ng mga pagkaing may probiotic
Pagkain ng mga pagkaing mayaman sa Vitamin C