ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | December 16, 2022
Dear Doc Erwin,
Sumulat ako sa inyo upang humingi ng payo. Kamamatay lang ng aking ama dahil sa kanyang malubhang sakit at naiwan ang aking ina na nag-iisa. Ako ay nag-aalala dahil siya ay naging malulungkutin at mapag-isa. Senior citizen na ang nanay ko, siya rin ay may diabetes at sakit sa puso.
Maaari bang makaapekto sa kanyang sakit sa puso at diabetes ang pagkamatay ng aking ama at ang kanyang pagiging malungkutin? Ano ang maaari kong gawin upang matulungan ang aking ina? - Jayson
Sagot
Maraming salamat Jason sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc.
Ang pagkamatay ng mahal sa buhay ay isa sa mga pangyayari sa ating buhay na magbibigay ng matinding emotional at physical stress. Ang stress na tulad nito ay kinikilalang risk factor sa maagang pagkamatay mula sa sakit sa puso. Ayon sa pinakabagong pag-aaral na inilathala sa Journal of the American College of Cardiology noong July 6, 2022, ang pagkamatay ng family member, tulad ng asawa, partner, kapatid, anak o apo ay may relasyon sa maagang pagkamatay ng naulila. Ang maagang pagkamatay ay maaring natural o dahil sa sakit o kaya’y unnatural death o sa ibang dahilan maliban sa sakit.
Ayon pa sa nabanggit na pag-aaral, pinakamataas ang risk ng maagang pagkamatay (risk of mortality) ng naulila kung ang namatay ay asawa o partner. Mas mababa naman kung ang namatay ay kapatid, anak o apo.
Sa unang linggo ng pagkamatay ng mahal sa buhay ang pinakamataas ang risk of mortality. Kaya importanteng mabigyan ng physical at emotional support ang iyong ina sa mga unang araw matapos mamatay ang iyong ama. Malaki rin ang maitutulong ng mga kaibigan ng iyong ina upang mabigyan siya ng social support. Ayon sa pag-aaral na inilathala sa American Journal of Epidemiology noong 1995, nanatiling mataas ang mortality risk ng naulila mula pitong buwan hanggang sa isang taon matapos mamatay ang mahal sa buhay.
Ayon kay Dr. Suzanne Steinbaum, ang depression, anxiety, kakulangan sa emotional support at pakikisalamuha, at ang emotional at physical stress ay maaaring makapagpalala ng sakit sa puso. Ang lungkot at pagluluksa ay nakakaapekto rin sa ating immune system. Ayon sa mga researchers ng University of Arizona, humihina ang kakayahan ng ating immune system na labanan ang sakit sa panahon ng kalungkutan at pagluluksa. Tumataas din ang level ng inflammation sa ating katawan na nagpapaalala ng sakit sa puso at diabetes.
Dahil sa mga nabanggit, bukod sa pagbibigay ng physical, emotional at social support sa iyong ina, kinakailangan na regular na matingnan ang iyong ina ng kanyang doktor. Makatutulong ito upang ma-monitor ang pag-inom ng gamot ng iyong ina, regular na ma-examine ang kanyang puso at diabetes at matingnan kung siya ay nakaka-develop ng depression o anxiety.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com