ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | Dec. 30, 2024
Dear Doc Erwin,
Masugid akong tagasubaybay ng BULGAR newspaper at ng Sabi ni Doc column. Ako ay 56 years old at dating heavy smoker. Limang taon na ang nakakaraan, matapos ang ilang buwan na unti-unting pagbabawas ng paninigarilyo ay naitigil ko ito. Bagama’t naihinto ko ang bisyo na ito, kamakailan lamang ay nagkaroon ako ng sakit, at matapos kumonsulta sa aming doktor ay na-diagnose ako na mayroong Chronic Obstructive Pulmonary Disease o COPD.
Isa sa mga gamot at supplement na inireseta sakin ay ang N-Acetylcysteine o NAC. Ano ba ito? Makakatulong ba ito sa aking kalagayan? May mga pag-aaral na ba sa epekto nito sa sakit na COPD? -- Pedro
Maraming salamat Pedro sa iyong pagliham at pagiging masugid na tagasubaybay ng Sabi ni Doc at BULGAR newspaper.
Ayon sa Office of Dietary Supplements ng National Institute of Health (NIH) ng bansang Amerika ang N-Acetylcysteine o NAC ay galing sa amino acid na cysteine. Ito ay may kakayanang labanan ang inflammation (anti-inflammatory effects) sa ating katawan.
Ang NAC ay kino-convert ang ating katawan sa glutathione, isa sa mga pinakamalakas na anti-oxidant na panlaban sa sakit at sa mga epekto ng pagtanda (effects of aging).
Sa mga pag-aaral na inilathala noong November 2, 2020 sa clinical journal na Therapeutics and Clinical Risk Management, ang NAC ay isa sa mga mabisang gamot laban sa sakit na COVID-19 na sanhi ng SARS-Cov-2 virus. Sa dalawa pang pag-aaral na inilathala sa Current Medicinal Chemistry (taong 2006) at sa Free Radical Biology (taong 2008) ay napatunayan na itong mabisang panlaban sa mga sakit na dulot ng mga virus (anti-viral properties) at nagpapalakas din ito ng immune system natin panlaban sa mga sakit.
Dahil ang NAC ay may mucolytic activity ay maaari itong gamitin sa paggamot sa mga sakit na ubo na may plema at iba pang karamdaman katulad ng iyong sakit na COPD. Sa isang artikulo sa journal na American Family Physician (2009) ay inihayag ni Dr. Paul Millea na ang NAC ay ginagamit ng mga doktor upang gamutin ang COPD at iba pang sakit katulad ng influenza, pulmonary fibrosis, infertility at PCOS.
Sa isang pananaliksik kung saan pinag-aralan ang epekto ng NAC sa COPD sa 1,392 na pasyente ay napatunayan na epektibo ito sa panggamot sa COPD. Inilathala ito sa Journal of International Medical Research noong 1983. Naging mabisa rin ang NAC upang mag-improve ang lung function ng mga maysakit na COPD, base ito sa isang pananaliksik na nalathala sa European Respiratory Journal noong taong 1992.
Ayon sa mga nabanggit na mga pag-aaral ay epektibo ang N-Acetylcysteine (NAC) sa iyong sakit na COPD. Epektibo rin ito sa iba’t ibang uri ng sakit dahil sa antiviral at antimicrobial effects nito at napapalakas nito ang ating immune system.
Sana ay nakatulong ang column na ito sa’yo upang maintindihan ang halaga ng gamot na N-Acetylcysteine sa iyong sakit at kung anu-ano ang mga health benefit nito.
Maraming salamat muli sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com