- BULGAR
- 1 day ago
ni Ryan Sison @Boses | Apr. 17, 2025

May mga paniniwala tayo na matagal nang bahagi ng ating tradisyon, ngunit paglipas ng panahon, kailangan din nating tanungin ang ating mga sarili kung ang pananampalataya ba ay mas epektibo kung maaari ka namang magkasakit o masaktan?
Sa tuwing dumarating ang Mahal na Araw, hindi na bago ang mga eksenang makikita sa lansangan – may mga nagpapapako sa krus, may mga naghahagupit ng latigo sa likod, at may mga duguang katawan na tila ba kasabay ng pagdurusa ni Kristo. Ngunit ang tanong, kailan pa naging sukatan ng pananalig ang dami ng sugat sa katawan?Sa isang panayam nitong Miyerkules, muling nanawagan ang Department of Health (DOH) sa mga deboto ngayong Semana Santa na huwag nang saktan ang sarili sa pamamagitan ng paghampas ng latigo o pagpapako.
Ayon kay DOH Spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo, hindi naman kailangan ang saktan ang sarili para ipakita ang pananalig, bagay na sinang-ayunan din ng ilang kaparian.Ngunit kung hindi talaga mapipigilan, pinaalalahanan ng DOH ang publiko na gumamit ng malilinis na equipment at tiyaking maayos ang paglilinis ng sugat.
Binigyang-diin ni Domingo na ang ganitong klaseng sugat ay tinatawag na “dirty wounds” o maruruming sugat na madaling pasukan ng mikrobyo at magdulot ng impeksyon. Bukod sa alikabok sa paligid at sa lupa, maging ang mismong mga kagamitan gaya ng latigo at pako ay maaaring pagmulan ng mikrobyo.Aniya, agad hugasan ang sugat ng malinis na tubig at sabuning mabuti, mainam din ang paggamit ng antiseptic gaya ng iodine.
Dagdag pa niya, huwag sumunod sa mga lumang pamahiin gaya ng pagtalon sa ilog o dagat para raw gumaling ang sugat, dahil maaari itong magdulot ng karagdagang impeksyon.
Karaniwan na sa mga deboto ang pagsasagawa ng penitensya tuwing Semana Santa bilang panata, pasasalamat, at paghingi ng kapatawaran. Ngunit nilinaw ng DOH na may mas ligtas at mas makabuluhang paraan para ipakita ang debosyon, gaya ng taimtim na pagdarasal at pagninilay-nilay.
Sa huli, hindi kailanman kinailangan ang dugo at latay para mapatawad o mapalapit sa Diyos. Ang pananampalataya ay hindi dapat sinusukat sa rami ng latigo sa likod kundi sa kabutihan ng puso.
Sa mga debotong magpepenitensya, saludo kami sa inyong pananampalataya at sakripisyo. Ngunit sana’y huwag nating isantabi ang kaligtasan. Gawin natin ito ng may pag-iingat -- gamitin ang malilinis na kagamitan, linisin agad ang mga sugat, at umiwas sa maaaring magdulot ng impeksyon. Tandaan, balewala ang iyong pananampalataya kung ika’y magkakasakit.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com