ni Ronalyn Seminiano Reonico | August 23, 2021
Bibigyan ng 7.01 million doses ng bakuna kontra COVID-19 ng Moderna ang South Korea simula sa unang linggo ng Setyembre, ayon sa health ministry ng naturang bansa.
Inaasahang darating na sa Lunes ang 1.01 million doses ng Moderna sa Incheon Airport, South Korea, ayon sa ministry nito at ang natitirang 6 million ay paunti-unting isusuplay sa bansa.
Saad pa ni Second Vice Health Minister Kang Do-tae, "In response to our request to speed up and expand the vaccine supply, Moderna informed us that it will supply 7.01 million doses by the first week of September."
Samantala, noong Sabado, umabot na sa 50.4% ng populasyon ng South Korea ang nakatanggap ng unang dose ng bakuna at 22.5% naman ang fully vaccinated na laban sa COVID-19.
Nakapagtala rin ang South Korea ng 1,628 bagong kaso ng COVID-19 noong Sabado at sa kabuuang bilang ay umabot na ito sa 236,366. Pumalo na rin sa 2,215 ang death toll sa bansa.