Larawan
ni Ronalyn Seminiano Reonico | July 29, 2021
Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang awtoridad na siguraduhing mapapanatili sa loob ng bahay ang mga indibidwal na hindi pa bakunado laban sa COVID-19 dahil sa banta ng COVID-19 Delta variant.
Saad ni P-Duterte, "Itong mga ayaw magpabakuna, sinasabi ko sa inyo, 'wag kayong lumabas ng bahay. Kasi 'pag lumabas kayo ng bahay, sabihin ko sa mga pulis na ibalik kayo sa bahay n'yo. You'll be escorted back to your house because you are a walking spreader."
Aniya pa, "Kaya kung ayaw ninyong makatulong by having the vaccines, 'wag na lang kayong lumabas ng bahay. "Ayaw mong magpabakuna tapos, eh, sabihin ko ako na mismo ang sasagot niyan, kung may idemanda, ako na. 'Yan ang utos ko, ibalik ka roon sa bahay mo. 'Yan ang utos ni Mayor. Kung magdemanda ka balang-araw, idemanda mo siya. Harapin ko 'yan. I assume full responsibility for that."
Aniya, trabaho ng mga barangay kapitan ang alamin kung sinu-sino ang mga residenteng nasasakupan nila na hindi pa bakunado at dapat din umanong siguraduhin nilang hindi makakalabas ng bahay ang mga unvaccinated.
Samantala, inatasan din ng pangulo ang mga local government units na ibigay na lang ang bakunang nakalaan para sa mga indibidwal na ayaw namang magpaturok sa mga nais mabakunahan. Saad pa ni P-Duterte, "'Yung ayaw, 'wag nang hintayin."