ni Rohn Romulo @Run Wild | February 4, 2024
Ikinuwento ni Ruby Ruiz kung paano niya unang nalaman na nakuha niya ang role sa Expats series bilang Essie, ang nanny at housekeeper ng family ni Margaret na ginagampanan ni Hollywood star Nicole Kidman.
Nasa taping sila noon ni Maja Salvador ng seryeng Nina, Nino sa Dolores, Quezon na mahina ang signal, pero may nakapasok na international call.
Noong una'y ayaw daw niyang sagutin dahil baka raw sa credit card at hindi naman ganu’n ka-urgent. Pero paulit-ulit daw itong tumawag, kaya si Maja na ang nagsabi na,
"Gagutin mo, Tita, nakakairita 'yang phone mo.”
Mula pala ito sa Hong Kong at sinabihan siyang i-open ang cellphone and in ten minutes ay tatawagan siya ng direktor na si Lulu Wang.
Ito nga ang nag-break ng news na nakuha niya ang role na kanyang in-audition.
“Tapos, nandoon kasi si Maja sa tabi ko, tinanong niya kung sino ang kausap ko at nag-i-English pa ako. Meron daw ba akong boyfriend?
"Sabi ko ‘Wala.’ So, si Maja ang unang nakaalam. Noong una, parang hindi niya ako pinapansin."
Doon din niya nalaman na ang magiging amo niya na si Margaret ay si Nicole nga, na ikinagulat niya.
"Kaya una kong ikinuwento kay Ms. Maja Salvador. Sabi niya, 'Ah, ganu’n, ipagpapalit mo ako, Lola Belen, kay Nicole Kidman?’”
Akala raw niya ay three months lang siya mawawala, kaya nakiusap siya kung puwede pa ring ibalik-balik ang kanyang karakter kahit multo na lang matapos siyang patayin sa serye.
Pero na-extend ng six months at ‘yung sa Hong Kong ang shooting, naituloy sa Los Angeles, kaya na-extend ng total of 11 months of shooting.
Forever grateful din si Ms. Ruby sa indie actress na si Chanel Latorre. Noong nagkatrabaho sila noon sa pelikula, nagalingan na siya rito, kaya inire-recommend niya ito sa mga direktor.
Nag-audition din pala ito sa Expats, naka-dalawang callbacks din, pero hindi nakuha dahil mas matanda pala ang kanilang hinahanap, between 50 to 60 years old.
Kaya sinabi nito sa casting director na meron siyang kakilala at ibinigay niya ang e-mail ni Ruby, na noong una'y ‘di interesado, dahil palagi na rin siyang shortlisted lang.
Kaya hindi niya ine-expect na makukuha siya. Gulat na gulat ang mga co-stars niya sa Nina Nino dahil tahimik lang siya sa ginawang audition.
Tungkol sa lawak ng kanyang role, nalaman lang niya ito na crucial pala ito sa story, na hindi niya inasahan, kaya kinilabutan siya habang binabasa ang script na ipinadala habang nasa 21 days quarantine siya sa Maldives bago nag-shooting sa HK.
Pinaka-highlight ng role niya at favorite niya ang Episode 5 na may title na Central, kung saan may confrontation scenes sila ni Nicole Kidman, kaya ito ang dapat abangan sa Prime Video na nagsimula nang mag-streaming.
Ano naman ang masasabi niya sa Hollywood A-lister na si Nicole?
"Napakabait niya, natural na natural at taung-tao," sabi ng aktres.
"May mga anecdotes nga ako. During the first day of our shoot, 'yung shooting chair ko, itinabi sa kanya.
"Ayokong umupo ru’n, kasi nosebleed, pero doon ako pinaupo sa tabi niya, para ma-establish daw ang rapport namin ni NK (tawag nila sa premyadong aktres) at maging at ease kami.
"She was very friendly and very warm. Sa set, ‘pag nakikita na niya ako, yayakapin na niya ako.
"Kaya minsan, inaagahan na nila ang pagpasok ko sa set para sumaya si Nicole. Kasi naaaliw siya sa akin, hindi ko alam kung bakit."
Kuwento pa niya sa emotional scene nila sa Episode 5, sinabihan siya ni Nicole ng, "You were so good!"
Sabi raw niya sa sarili, "Echosera itong si Nicole, siya nga itong sobrang galing. Parang tuod ka na lang kung hindi ka nadala. Sobrang powerful!"
"Her eyes as an actress, is really her asset. Nagsasalita kahit walang linya and you feel her energy. At marami akong natutunan sa kanya."
Galante rin daw ang Hollywood actress.
Nagtanong din daw si Nicole tungkol sa pandesal, kaya nag-order siya ng pinakamasarap at natikman ito ng co-star.
Anyway, grabe raw ang pagtrato at respeto na natikman niya habang nagsu-shooting.
Feeling niya, akala raw nila ay sikat na sikat siya sa Pilipinas.
Say pa raw sa kanya ni Nicole, "Thank you for accepting this role. We know you're an actress in the Philippines."
Kaya gulat na gulat siya, siya raw itong nagpapasalamat for approving na gumanap bilang Essie, na once in a lifetime experience para sa kanya.
Kaya noong natapos ang shooting nila na tumagal nga ng 11 months, sinabi ni Nicole na, "I'm going to see again Ruby."
Sagot niya, “When?”
Sobrang sarap daw kasing katrabaho ni Nicole at napakasuwerte nga ni Ruby.
Ang Expats ay may 6 episodes, at may 2 episodes na sa Prime Video na nagsimulang mag-streaming noong January 26.