ni Rohn Romulo @Run Wild | Dec. 1, 2024
Photo: Juan Karlos - Instagram
Sinuong talaga namin ang kasagsagan ng grabeng trapik nu'ng Biyernes ng gabi, na natapat pa sa suweldo, para abutan ang first-ever major concert ni Juan Karlos na kilala rin bilang JK Labajo, na ginanap sa SM MOA Arena.
Ang juankarlosLIVE, na produced ng Nathan Studios na pag-aari nina Sylvia Sanchez at inabot ng tatlong oras, ay punumpuno ng original songs na composed ni JK.
Pagpasok namin sa venue, naramdaman namin ang concert vibes, na karamihan sa mga nanood ay mga kabataan na mahihilig sa kakaibang musikang hatid ni JK.
Wala ngang masyadong kakaibang gimik o magarbong production numbers at stage design, pero very Gen Z ang bonggang pailaw at malaking LED screen, kasama pa ang kuha ng drone na umiikot sa venue.
Napakasimple ni JK na nakasuot lang ng t-shirt at jeans, at hindi na nakuhang mag-costume change dahil dire-diretso ang kanyang pagkanta.
Kakaiba para sa amin ang naturang concert sa mga napanood namin na OPM singers, malamang ganu’n din ang naramdaman ng marami. At least, may kakaiba at hindi predictable ang mga mangyayari.
Ito talaga ‘yun, concert na parang nakikipag-jamming lang si JK at litaw na litaw ang galing niya bilang musician na bentang-benta naman sa kanyang mga fans, lalo na ‘pag nanti-tease na siya sa kanyang simpleng paggiling-giling.
May tig-iisang duet siya sa mga guests na sina Zild, Janine Berdin, Kyle Echarri (virtual sa kantang Kasing-kasing), Paolo Benjamin of Ben&Ben, Moira at Gloc-9 na first time nilang inawit nang live ang Sampaguita.
Sa totoo lang, napakalakas ng sigawan, lalo na ‘pag songs ni JK.
Hindi rin kinalimutan ni JK ang cover song niya na Through The Years na naging theme song ng Netflix movie nila na Lolo And The Kid (LATK); at tulad ng pa-teaser niya before the concert, ipinadama rin niya ang nakaka-in love na version niya ng Grow Old With You.
Nagustuhan din namin ang bagong rendition niya ng Buwan na kahit na ulit-ulitin niyang kantahin, sasabayan at sasabayan pa rin.
Pero meron siyang ginawang kakaiba na ikina-shocked ng manonood, dahil pumunta si JK sa backstage na patuloy na nakatutok ang camera, na akala namin ay magpapalit ng damit pero nagpunas lang ng pawis.
Kasunod nito ang paglabas niya ng MOA Arena para kantahin ang Manhid. Nagsigawan talaga sa loob ng venue dahil aliw na aliw sa nakababaliw na pakulo ni JK.
Sa short video ni Bryan Dy ng Mentorque Production, may caption ito, “Hahaha! Kayo lang makakagawa nito. Hahaha! Iba amats n’yo. Ikaw lang talaga ang producer Jojo Campo Atayde na sasakay sa trip ni juan karlos! Congrats, aliw! (clap emoji).”
Sagot naman ni Sylvia, “Pareho lang kaming may TOPAK, hahaha! Kaya magkasundo. Thank you sa suporta, Bryan Dy.”
Expected naman na ang magiging finale song niya ay ang big hit na Ere, na talaga namang iniwan na niya ang audience after ng most-applauded song. Parang bitin pa ang audience sa halos tatlong oras na concert, dahil wala nang encore songs at biglang bumukas ang mga ilaw at signal na tapos na nga ang concert.
At para sa amin, napatunayan talaga ni JK na kayang-kaya niyang magdala ng big concert. Balita nga namin ay inaayos na ang concert series niya sa Australia, Canada at America, na magaganap sa May to June 2025.
Sobrang happy siyempre ni Sylvia dahil hindi siya nagkamali na maging producer ng first-major concert ni JK, na tatlong taon niyang niligawan at hinintay.
At tama rin ang naging desisyon ni Juan Karlos na finally ay umoo, dahil alam niyang kaya na niya at nakapaghanda na at lumakas na ang loob.
Sey pa ni Sylvia, kung magiging maayos ang lahat ay baka magkaroon din ng repeat ang successful juankarlosLIVE concert next year, na pupuwedeng itaon din ng November.
Congrats, JK Labajo and Sylvia Sanchez!