ni Rohn Romulo @Run Wild | Dec. 21, 2024
Photo: Coco Martin TOPAKK - Instagram
Napa-wow talaga at napa-thumbs up si Coco Martin nang mapanood niya ang Topakk na pinagbibidahan nina Arjo Atayde at Julia Montes sa matagumpay na grand premiere night nitong December 19 sa Gateway Cineplex Cinema 11.
Nagsisimula na ang hard action movie na may puso nang dumating si Coco, na tama lang naman, para hindi siya makaagaw ng atensyon habang rumarampa ang cast ng Topakk.
After ng movie, sa short interview kay Coco, kitang-kita na masayang-masaya siya sa napanood lalo na sa mga action scenes nina Julia at Arjo.
Sey ng Primetime King, “Barakung-barako, lalaking-lalaki ang labanan, may pelikula silang aabangan kung gusto nila ng hard action.
“Para sa ‘kin nga, nag-upgrade ang movie, para talagang pang-international. Kaya nakaka-proud si Direk Richard Somes, kay Arjo, kay Julia at sa buong cast, ang gagaling nilang lahat.”
At dahil sa Topakk, safe na ngang sabihin na sina Arjo at Julia ang bagong Action King and Queen ng bagong henerasyon. Ilang beses pinalakpakan ang matitinding action scenes nila at sa ipinakitang husay ni Julia sa aksiyon, next year ay gagawan ng follow-up movie si Julia ng Nathan Studios Inc., at posible nga na ang actress-producer na si Sylvia Sanchez ang gumanap na ina sa binubuong action movie.
Anyway, spotted and all-out support ang mga stars sa naganap na celebrity premiere night ng Topakk sa pangunguna nina Diamond Star Maricel Soriano at Lorna Tolentino.
Nandu’n din sina Rosanna Roces at iba pang cast ng Batang Quiapo (BQ), Ice Seguerra and Liza Diño, Franco Laurel, Boy Toyo, magkapatid na Ria at Gela Atayde (na kasama rin sa Nathan Studios), at siyempre, si Maine Mendoza, na from day 1 ng action movie ay nakasuporta na kay Arjo.
Natanong naman si Sylvia Sanchez kung bakit naging ganoon katapang ang loob nila nang ipasok ang Topakk sa 50th Metro Manila Film Festival (MMFF).
Sa interview sa kanya ni DJ Jhai Ho, “Ang nagpatapang sa ‘kin ay ang mismong material. Ganu’n kalakas ang loob ko, ang movie na ito ang magbubukas sa mga mata nating lahat na kailangan pala nating intindihin ang bawat isa.
“Diretsahan din na nag-level-up ang action dito. Of course, iba ang action noon, ibang generation. Pero ngayong Gen Z of Gen Alpha, ito ‘yung action na para sa kanila. Meron pa ring suntan pero kakaiba, dahil iba ang atake ng pelikula at iba ang acting ng mga artista.
“Kahit nag-aaksiyon sila, ang puso nila, nandu’n pa rin.”
Pag-amin pa ni Ibyang tungkol sa naging collaboration nila ni Direk Richard Somes, “Si Direk Somes, sabi n’ya sa ‘kin, ‘Tita, tulungan mo ako rito, kasi ikaw ‘yung may puso sa mga eksena, ikaw kasi ang nasa teleserye.’ Ako kasi, wala akong puso, puro ako aksiyon.’
“So, nag-collab kami du’n and Direk Wil also pagdating sa drama. Kailangan kasi, may drama at kung saan kakapit ang manonood, du’n kami nagkasundo.”
At base nga sa mga nakapanood at movie reviewers, isa ang Topakk sa best movies na entry sa 50th MMFF, na hopefully marami talaga ang makapanood sa pagsisimula sa December 25.
At abangan din ang pasabog nilang festival float sa ‘Parada ng mga Bituin' ngayong hapon na mag-iikot sa Maynila.