ni Sis. Isabel del Mundo @Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig | July 1, 2024
Dear Sister Isabel,
Ang kuwentong ibabahagi ko ay tungkol sa lalaking napangasawa ko. 41-anyos na ako nang maisipan kong magpakasal. Mataas ang posisyon niya sa kumpanyang kanyang pinapasukan, ngunit maliit lang ang kanyang sinusuweldo, habang ako naman ay isang professional na dentista na may malaking sinusuweldo.
Noong araw ng kasal namin, nagkaroon kami ng pagtatalo tungkol sa mga gastos. Sa awa ng Diyos, nairaos naman namin ang aming kasal at mga gastusin.
Masipag at mabait ang napangasawa ko, kaya lang nagtataka ako dahil ang dami niya palang pinagkakautangan. Kaya ‘yung negosyong karinderya at computer cafe namin ay wala ring halos kinikita, dahil binabayad niya lang ito sa dati at kasalukuyan niyang utang.
Nang malaman ng mga kapatid ko ang sitwasyon namin, agad nila kaming tinulungan upang mabayaran namin ang lahat ng utang ng asawa ko.
Nagbukas kami ng bagong negosyo na ukay-ukay at halamanan, ngunit nabaon na naman sa utang ang asawa ko.
Madalas ko siyang makitang tulala at ang masakit nito, parang may relasyon sila ng isa naming staff. Kinompronta ko siya, pero ayaw niyang umamin at sinabihan ko rin siya na mag-isip-isip siyang mabuti. Tingnan niya kung ano ba talaga ang gusto niya sa buhay, malaya ko siyang pinagdedesisyon pero sa totoo lang, gusto ko na siyang hiwalayan.
Punumpuno na ako sa konsumisyong binibigay niya sa akin. Sobrang laki na rin ng pinayat ko, at maski ang hanapbuhay ko ay naaapektuhan na rin.
Ano ba ang magandang solusyon na dapat kong gawin upang maging maayos ang aming pagsasama? May isa kaming anak at maayos naman ang pag-aaral niya. Mabuti naman siyang ama, ang hindi ko lang maintindihan kung bakit hindi siya makaahun-ahon sa pagkakautang.
Ano ba ang gagawin ko, Sister Isabel? Dapat ko na ba siyang hiwalayan? Hihintayin ko ang payo n’yo.
Nagpapasalamat,
Imelda ng Taguig
Sa iyo, Imelda,
Ang buhay may asawa ay sadyang ganyan, hindi puwedeng walang problema. Kausapin mo nang masinsinan ang asawa mo, sa palagay ko ay kulang lang kayo sa komunikasyon.
Ang sabi mo, mabait naman siyang ama sa nag-iisa n’yong anak. Hindi solusyon ang pakikipaghiwalay, unawain mo na lang kung anuman ang matuklasan mong dahilan kung bakit hindi siya makaahun-ahon sa utang.
Ihanda mo ang sarili mo sa matutuklasan mo. Bilang asawa, lawakan mo pa ang iyong pang-unawa. Naniniwala akong babalik din sa dati ang pagsasama n’yo. Tungkol naman sa feeling mong may relasyon sila ng isa n’yong staff, magmasid-masid ka muna at huwag mo agad siyang husgahan, dahil umaasa akong hindi totoo ang hinala mo.
Huwag kang mag-alala dahil tiyak na magiging okey din ang pagsasama n’yo, lalo na kapag nagkaroon kayo ng time na makapag-usap.
Lahat ng problema ay may solusyon, huwag ka agad susuko. Pinili mo ang buhay may asawa kaysa tumandang dalaga, kaya harapin mo ang mga pagsubok na iyan. Sa tulong ng Diyos, mailalagay din sa wasto ang pagsasama n’yo.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo