ni Sis. Isabel del Mundo @Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig | July 22, 2024
Dear Sister Isabel,
Isa akong madre, pero may aaminin ako sa inyo. May dyowa ako ngayon na isang pari. Katabi lang ng kumbento namin ang kanilang kumbento, at lihim kaming umibig sa isa't isa.
Mahusay naming itinatago ang aming sikreto, kaya naman wala pang nakakaalam ng tungkol sa relasyon namin.
Noong una ay maayos naman ang aming relasyon. Pareho kaming masaya, kahit paminsan-minsan lang ang mga nakaw na sandali sa amin. Kaya lang, parang inuusig ako ng aking konsensya. Patindi nang patindi ang konsensya na nararamdaman ng aking isip at damdamin. Hindi rin ako makatulog nang maayos, at gusto ko nang bumitaw sa aming relasyon.
Ano ba ang dapat kong gawin? Nag-aalala rin ako na baka ‘di pumayag ang nobyo kong pari.
Baka sa kalungkutan niya, bigla na lang niyang kitilin ang kanyang buhay. Sa aking palagay, hindi niya kayang tanggapin ang binabalak ko para sa ikapapayapa ng aming sitwasyon.
Hangad ko ang inyong payo sa kung ano ang dapat kong gawin. Hihintayin ko ang payo n’yo.
Nagpapasalamat,
Bernadeth ng Baguio
Sa iyo, Bernadeth,
Natural lamang sa isang babae na katulad mong walang asawa na umibig at magmahal. Bilang isang madre na nasa loob ng isang kumbento, hindi ka dapat nagkakaroon ng pagtingin sa isang pari na nasa loob din ng isang kumbento.
Alam kong alam mo na kasalanang maituturing ang inyong ginagawa. Gayunman, Hindi pa huli ang lahat. Hangga’t maaga pa, mag-usap na kayo, putulin n’yo na agad ang namamagitan sa inyong dalawa.
Sa aking palagay, kapwa lamang kayong naghahanap ng pagmamahal na may kasamang pananabik at saya. Magsimula ka na magdesisyon upang iwasan na ang pakikipagkita sa nobyo mo. Sa ganyang paraan, mawawala na ang kanyang nararamdaman sa iyo. Maiisip din niya na maling ipagpatuloy ang inyong relasyon.
Bago ka matulog, magdasal ka muna, at humingi ng tulong sa ganyang mga scenario. Humingi ka rin ng tawad at gabay sa Panginoong Hesukristo, at ipangako mo rin na iiwasan mo na ang mga mali at bawal bilang isang madre.
Iyong pangatawanan ang bokasyong pinasok mo. Malalampasan mo rin lahat ng pagsubok, ikaw ang tinawag ng Panginoon sa isang banal na misyon sa daigdig.
Mapalad ka sa lahat ng mapalad, sapagkat napili kang maging isang ganap na madre. Kapag ito ay inilagay mo sa iyong isipan, hindi magtatagumpay ang demonyo na tuksuhin kang muli upang magkasala.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo