ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | Pebrero 6, 2024
Dear Sister Isabel,
Bago ko simulan ang kuwento ng aking buhay, babatiin ko muna kayo ng isang mapagpalang araw.
Isa akong tindera sa palengke, at ang aking tinitinda ay mga gulay. Noong una, kumikita naman ako, pero nitong huli ay halos wala akong kitain.
Hiwalay na ako sa aking asawa at may 2 kaming anak. Nabaon ako sa utang, at hindi ko na nababayaran ang puhunang inutang ko, maski sa bumbay ay nabaon na rin ako. Hirap na hirap na ako, at gusto ko na lamang wakasan ang aking buhay.
Sinisingil na rin ako ng mga kapatid ko, kahit alam naman nilang wala na akong kinikita sa gulay. Hanggang sa isang araw, may nakilala akong lalaki, naawa siya sa akin, kaya tinulungan niya akong makabayad sa mga pinagkakautangan ko, ngunit sa isang kondisyon at ‘yun ay ang paglingkuran siya.
Kaya lang, may sarili na rin siyang pamilya. Napakabait niya sa akin kaya nahulog din agad ang loob ko sa kanya. Masaya kami pag kami ay magkasama. Okey lang sa akin kahit hindi 100% ang atensyong binibigay niya sa akin.
Nauunawaan ko na nakikihati lang ako ng pagmamahal sa tunay niyang asawa’t anak. Minsan nga ay nakokonsensya na ako dahil may sariling pamilya ang lalaking pinatulan ko. Sumagi na rin sa aking isip na putulin na ang aming relasyon, ngunit ayaw niyang pumayag. Mahal na mahal niya umano ako at ikamamatay niya kapag nawala ako sa buhay niya. Ano kaya ang marapat kong gawin? Mahal ko siya at mahal niya rin ako. Sister Isabel, putulin ko na kaya ng lubusan ang pakikipagrelasyon sa kanya?
Nawa’y mapayuhan n’yo ko sa dapat kong gawin.
Nagpapasalamat,
Imelda ng Laguna
Sa iyo, Imelda,
Umpisa palang ay alam mo na sa iyong sarili na bawal na pag-ibig ang papasukin mo, pero ipinagpatuloy mo pa rin hanggang sa tuluyan ka tuloy nahulog. Gayunman, kasalanang mortal pa rin ang iyong pinasok. Kung sa ngayon, ayos ang ugnayan n’yo, darating at darating ang mga araw na magiging magulo ang sitwasyon at malamang sa bilangguan kayo humantong.
Posible kayong kasuhan ng tunay niyang asawa at tiyak na hindi n’yo maiiwasang maparusahan ng hukuman. Kaya ang maipapayo ko sa iyo ay layuan mo na ang lalaking iyan bago pa mahuli ang lahat.
Umiwas ka na hangga’t maaga pa. Tutal wala ka naman ng utang. Magbagong buhay ka na dahil may mga tumutulong naman sa katulad mong solo parent.
Hanggang dito na lang, hangad ko ang mapayapa, maligaya at masaganang pamumuhay mo sa piling ng iyong mga anak. Pagpalain ka nawa ng Diyos.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo