ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Pebrero 8, 2024
“ANO ho?” Gilalas na tanong ni Via sa kanyang ama-amahan. Kahit malinaw naman ang kanyang pagkakarinig sa sinabi nito na, “Papatayin nila ako, kapag hindi ko nabayaran ang utang ko.”
Sa halip na sumagot, bigla na lamang humagulgol si Pedro. Natigilan si Via, ganitung-ganito kasi ang hitsura ng kanyang Tatay Pedro noong araw na namatay ang kanyang ina.
Mahal na mahal kasi nito ang kanyang ina, kaya naman nang mawala ito, sobra rin siyang nagdusa. Sinisisi rin ni Pedro ang kanyang sarili dahil masama ang pakiramdam noon ng ina ni Via at ‘di niya man lang ito nasamahan.
Kaya kahit hindi niya tunay na ama ang kanyang Tatay Pedro, itinuring niya pa rin itong tunay na magulang. Naging mabait at responsable naman kasi ito at ramdam din niya na mahal siya nito bilang isang anak.
May mga pagkakataon nga na sinasabi nito na nakakalimutan niya na step daughter niya lang si Via. Iyon din ang rason kung bakit minahal niya ito na parang isang tunay na ama.
“Mas maigi pa nga sigurong mawala na lang ako sa mundong ito,” wika ng kanyang Tatay Pedro.
“Babayaran natin ang utang n’yo,” wika niya para magkaroon ito ng lakas na loob. Pero sa katunayan, hindi niya rin alam kung paano siya magkakapera gayung hindi naman siya nakapagtapos ng kanyang pag-aaral. Gayunman, masasabi pa rin niyang masuwerte siya dahil mayroon siyang trabaho sa isang bakery shop.
“Hindi mo kaya.”
“Kakayanin ko, magkano ba ang utang n’yo?”
Tinitigan muna siya nito na para bang sinisiguro kung seryoso siya sa kanyang sinabi. Hindi tuloy niya napigilan ang mapalunok. Na-realize rin kasi niya na hindi magiging oa ang ekspresyon ng kanyang Tatay Pedro kung barya lang ang utang nito.
“Limang milyon,” mariing sabi nito.
Itutuloy…