ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | Pebrero 16, 2024
Dear Sister Isabel,
Kumusta kayo? Nawa’y nasa mabuti kayong kalagayan. Sumangguni ako dahil hindi ko na kaya ang problema ko.
16-anyos pa lang ako at nabuntis ako ng classmate ko na kasing edad ko lang din. Pakiramdam ko ay malapit na mabuking ng parents ko ang aking pagbubuntis. Kapag nalaman ito ng daddy ko, tiyak na papatayin niya ako. Siya ang klase ng tatay na sobrang higpit at paulit-ulit niya akong sinasabihan na mag-aral nang mabuti.
Samantala, ‘yung lalaking nakabuntis sa akin ay ‘di ko na mahagilap, ‘di ko na alam ang gagawin ko.
Sumagi rin sa isip ko na ipalaglag ang bata sa sinapupunan ko at mag-suicide, pero hindi ko ito magawa.
Tulungan n’yo ako, Sister Isabel. Ano ba ang dapat kong gawin?
Umaasa,
Thelma ng Bataan
Sa iyo, Thelma,
Ang pinakamaganda mong gawin ay ipagtapat sa mommy mo ang kalagayan mo, sa umpisa siyempre mabibigla at magagalit siya sa iyo, pero tutulungan ka niya at uunawain. Ihanda mo na ang sarili mo. Lakasan mo ang iyong loob, kausapin mo na ngayon ang mommy mo. Siya ang makakaunawa sa iyo ngayon, at siya na rin gagawa ng paraan para kausapin ang daddy mo. Gagawin niya ang lahat para 'di magalit nang husto ang daddy mo.
Anuman ang pasya ng mommy mo, sundin mo na lang. Batid kong gagabayan siya ng Diyos, at sana matuto kang sumunod sa pangaral ng daddy mo. Huwag kang gumaya sa ibang kabataan ngayon na padalus-dalos.
Magsilbing aral nawa sa iyo ang sinapit mo ngayon. Hanggang dito na lang, lakip nito ang dalangin na mairaos mo ng maluwalhati ang baby mo at nawa'y maging aliw siya sa buhay ng mommy at daddy mo. Kakaibang saya ang dulot ng apo sa mga lolo't lola.
Ganyan sana ang mangyari para agad kang matanggap ng parents mo.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo