ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Pebrero 20, 2024
Kumunot ang noo ni Via sa matapang na pagbigkas ni Nhel Zamora.
“Kung makapagsalita ka naman, parang aalipinin mo ako nang bonggang-bongga,” natatawang sabi niya.
Ayaw niyang isipin na may plano talaga ang binata sa kanya. Tingin naman kasi niya ay mabuting tao ito.
“Paano mo naisip iyon?” Natatawa niyang tanong sa kanyang sarili.
“‘Yan talaga ang gusto kong gawin.”
“Ano’ng kasalanan ko?”
“May kaugnayan ka kay Pedro Pedral,” inis nitong sabi.
“Kung magsalita ka naman parang hindi lang pangungutang ni Tatay Pedro ang kasalanan niya sa’yo,” wika niya na may halong pagtataka.
Kesa na sumagot, halakhak ang ginawang tugon ng Binata. Dapat sana ay makaramdam siya ng inis dahil parang pinagtatawanan siya nito, pero nagbago ang kanyang isip. Bumuka ang bibig niya para magtanong, ngunit bigla siyang natigilan. May napansin kasi siya sa mukha nito.
“May hawig ka kay Tatay Pedro.”
Ngunit, muli na namang tumawa ang binata.
“Ano bang nakakatawa?”
“He is my father.”
“Ano?!” Gilalas niyang tanong.
“Kung hindi ka nakakaintindi ng Ingles puwes Tatagalugin ko, ama ko si Pedro Pedral. Kaya ako nabubuwisit sa’yo, minahal ka niya nang husto gayung ang tunay niyang anak pinabayaan lang niya.”
Napasinghap siya dahil dama niya ang matinding pagdaramdam nito. At hindi rin naman niya ito masisisi.
“Ano kaya ang mararamdaman niya kapag pinahirapan ko ang pinakamamahal niyang anak-anakan?”
Sa tanong ng binata, biglang kinabahan si Via. Paano ba naman kasi ramdam na ramdam niya galit nito.
Itutuloy…