ni Sis. Isabel del Mundo @Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig | August 15, 2024
Dear Sister Isabel,
May matinding pagsubok akong kinakaharap ngayon, at alam kong kayo lang ang makakapagpalubag ng loob ko.
Nagkaroon ako ng ka-chat sa Facebook. Isa siyang Muslim, at kalaunan ay naging magkaibigan kami. Pero, dumating sa puntong pinapunta niya ako sa kanilang bansa, at pinadalhan niya rin ako ng ticket para makaalis na agad. Siya rin ang nag-ayos ng mga papeles para makarating ako roon.
Ang sabi niya, pakakasalan niya raw ako. Tuwang-tuwa naman ako dahil sa wakas ay may mapapangasawa na muli ako.
Mayaman, at tinitingala siya sa lugar nila. Habang isa naman akong biyuda, at wala pang anak kaya naman malaya kong nagagawa ang mga desisyon ko sa buhay.
Hindi nagtagal, nakarating na ako sa lugar nila. Pero laking gulat ko dahil may iba pa pala siyang asawa, at pangatlo na ako. Pinagsama-sama niya kami sa iisang bahay. Hindi niya sa akin sinabi na may iba pa pala siyang asawa. Kaya naman mula noon, naging sex slave niya na ako. Tingin niya sa akin ay kasangkapan na pagmamay-ari niya na kahit ano’ng oras ay puwede niyang ipagawa sa akin ang mga bagay na gusto niya.
Hindi ko akalaing ganito ang mangyayari sa buhay ko. Ang mas malala pa, pinapagamit niya rin ako sa mga kaibigan niya. Hirap na hirap na ako sa kalagayan ko.
Ano ba ang dapat kong gawin, Sister Isabel? Hihintayin ko ang payo n’yo. Nawa’y matulungan ninyo ako.
Nagpapasalamat,
Beth ng Cotabato
Sa iyo, Beth,
Lubhang nakakabahala ang problema mo. Wala ka bang contact sa mga kamag-anak mo sa ‘Pinas? Sikapin mong ipaalam sa kanila ang kalagayan mo para mai-report nila sa Philippine Embassy ang nangyayari sa iyo ngayon.
Hindi makatarungan ang ginagawa sa iyo ng Muslim mong asawa. Kailangan siyang maparusahan. Gumawa ka ng paraan para ma-contact mo ang mga kamag-anak, o mga kaibigan mo na alam mong kikilos para matulungan ka.
Kung may mga kaibigan ka riyan, magpatulong ka sa kanila bago pa mahuli ang lahat. Dalangin ko na mahango ko sa ganyang kalagayan sa lalong madaling panahon. Huwag kang mawalan ng pag-asa.
Magdasal at manalangin ka sa Diyos na makapangyarihan sa lahat. Habang may buhay, may pag-asa, pero huwag kang susuko. Malalampasan mo rin ang kalbaryong kinakaharap mo ngayon.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo